Ipinahayag ng Malacañang nitong Martes ang pagkabahala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mapanganib at agresibong kilos ng China Coast Guard (CCG) sa bahagi ng Panatag Shoal o kilala rin bilang Bajo de Masinloc, na sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Claire Castro, tagapagsalita ng Presidential Communications Office at Palace Press Officer, hindi maikakaila ang pagkabahala ng Pangulo sa mga ulat kaugnay ng panibagong panggugulo ng CCG sa teritoryong pandagat ng Pilipinas.
“Natural lang po na nababahala ang ating Pangulo sa mga nangyayari,” pahayag ni Castro sa mga mamamahayag ng Palasyo.
Giit pa ni Castro, mananatiling propesyonal ang gobyerno sa paghawak ng sitwasyon at ipauubaya ang aksyon sa Philippine Coast Guard (PCG), na patuloy na nagbabantay sa ating karagatan.
“Pinananatili natin ang mataas na antas ng propesyonalismo na may kasamang matapang at makabayang diwa,” dagdag pa ni Castro.
Noong Linggo, isang barko ng CCG ang na-detect ng PCG sa layong 83 hanggang 85 nautical miles mula sa baybayin ng Palauig, Zambales — malinaw na sakop ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, sinimulan ng CCG 3302 ang pagsunod sa BRP Cabra (MRRV-4409), isang 44-metrong patrol vessel ng PCG, sa layong 176 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Capones Island, Zambales.
Habang patungo sa timog-kanlurang bahagi ng Panatag ang BRP Cabra, bigla itong sinabayan ng barko ng China at halos salpukin mula sa kaliwang unahan sa layong 16 na metro — isang mapanganib na galaw na hindi alintana ang kaligtasan, ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea.
Tinawag ito ni Tarriela na isang lantaran at delikadong kilos, na malinaw na lumalabag sa mga tuntunin ng maritime safety at respeto sa soberanya ng bansa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads
