Tiniyak ni Mayor Jose Chubasco Cardenas ang pagiging bukas at tapat ng pamahalaang lungsod sa paghawak ng mga operasyon kaugnay ng pagsabog ng Mt. Kanlaon.
Ayon sa alkalde, handa siyang tanggapin ang mga independiyenteng imbestigasyon upang patunayan ang kanilang transparency. Sinabi rin niya na maingat na naitatala ng Incident Management System ang lahat ng transaksyon at gastusin na may kaugnayan sa disaster response.
“Nauunawaan namin ang mga pangamba ukol sa mga nagastos at tulong na naibigay sa pagtugon sa insidente ng Mt. Kanlaon. Mananatili ang transparency at accountability bilang pangunahing prinsipyo sa aming mga operasyon,” pahayag ni Mayor Cardenas nitong Miyerkules.
Ibinahagi niya na may nakatalagang Finance Section na sumusubaybay sa lahat ng pinagkukunan ng pondo, donasyon, at gastusin. Bukas din para sa publiko ang detalyadong transparency report ukol sa alokasyon ng mga pondo at resources.
Hinikayat niya ang mga nagnanais magtanong na makipag-ugnayan nang direkta sa Finance Section.
Ang pahayag na ito ay inilabas kasunod ng ilang pagdududa mula sa ibang grupo ukol sa paggamit ng pondo at donasyon. Sa kabila nito, ipinagmamalaki ni Mayor Cardenas na sa kanilang sama-samang pagsusumikap, walang naitalang casualty sa lungsod ng Canlaon sa kabila ng hamon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
