Pitong lokal na pamahalaan (LGUs) na lamang sa kabuuang 136 sa rehiyon ng Central Visayas ang wala pang naaprubahang 10-taong Solid Waste Management Plan, ayon kay John Roy Quiamco, pinuno ng Solid Waste Management Division ng Environmental Management Bureau (EMB)-Central Visayas.
Malapit nang makamit ng rehiyon ang buong pagsunod sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na magdiriwang ng ika-24 na anibersaryo sa Enero 26.
Sa datos hanggang Hulyo 2024, 118 LGUs na ang may aprobasyon para sa kanilang solid waste management plans. “Malaki na ang pag-usad sa bilang ng mga sumusunod na LGUs, at ilan na lamang ang kasalukuyang sinusuri ng Solid Waste Management Commission,” ani Quiamco.
Ang pagkakaroon ng 10-taong plano ay isang mahalagang rekisito para sa mga LGUs na nagnanais tumanggap ng Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Suporta para sa Informal Waste Sector
Puspusan din ang pagtutok ng EMB-7 sa pagbibigay suporta sa informal waste sector, kabilang ang mga tagakolekta ng basura at mga junk gatherers, na may mahalagang papel sa pangangasiwa ng basura.
Sa temang “Integrating Sustainability and Circularity Into The Informal Waste Sector” ngayong Zero Waste Month ng Enero, layunin ng ahensya na ikonekta ang mga tagakolekta ng basura sa mga kompanya na gumagamit ng recyclable materials.
Binigyang-diin din ni Quiamco ang inisyatiba sa Toledo City, Cebu, kung saan ginagamit ang plastic waste bilang bahagi ng paggawa ng hollow blocks, na nagbibigay daan sa mas makabago at makakalikasang solusyon sa basura.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

