Inihayag ng Department of Education (DepEd) na maaaring gamitin ng mga pribadong paaralan ang bagong (pero dating) kalendaryo ng klase na ipinatutupad na muli sa mga pampublikong paaralan simula sa School Year 2025-2026.
Sa ilalim ng Department Order (DO) No. 12, Series of 2025, ibinalik na ng DepEd ang klase mula Hunyo hanggang Marso, habang itinakda naman ang bakasyon mula Abril hanggang Mayo.
Ayon sa naturang kautusan, magsisimula ang klase sa Hunyo 16, 2025 at magtatapos sa Marso 31, 2026 para sa darating na taon ng pasukan.
Pribadong Paaralan, May Kalayaan Subalit May Limitasyon
Sa isang mensahe sa Viber, nilinaw ni DepEd Media Relations Chief Dennis Legaspi na bagama’t ang kautusan ay para sa pampublikong paaralan, puwedeng sumunod dito ang mga pribadong institusyon.
“Maaaring gamitin ng mga pribadong paaralan ang kalendaryo ng DepEd. Maaari rin silang magtakda ng sariling petsa ng pasukan, basta’t sumusunod ito sa School Calendar Law,” ani Legaspi.
Batay sa nasabing batas, dapat magsimula ang klase mula unang Lunes ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto.
Sakop Din ang PSOs at SUCs/LUCs
Bukod sa mga pribadong paaralan, pinapayagan din ng DO 12 ang Philippine Schools Overseas (PSOs) at mga state at local universities and colleges (SUCs at LUCs) na sundin ang multi-year implementing guidelines.
Balik 197 Araw ng Klase
Sa pagbabalik ng dating kalendaryo, ang School Year 2025-2026 ay magkakaroon ng kabuuang 197 araw ng klase, kabilang na ang mga End-of-School-Year (EOSY) Rites.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 7797, na isinabatas upang pahabain ang school year sa hindi hihigit sa 220 araw ng klase — at naamyendahan pa sa pamamagitan ng RA 11480.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

