Sa ilalim ng bituin at liwanag ng Kalayaan grounds ng Palasyo ng Malacañang, isang espesyal na gabi ng pasasalamat ang isinagawa nitong Linggo para sa mga tinaguriang “makabagong bayani” ng bayan — ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa ginanap na “Konsyerto sa Palasyo: Para sa Ating mga OFWs,” muling kinilala ang walang kapantay na kontribusyon ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa sa kabuuang pag-unlad ng bansa.
Sa isang video message, binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sakripisyo ng mga OFWs na aniya’y hindi lamang bumubuhay sa kanilang pamilya, kundi pati na rin sa kinabukasan ng Pilipinas.
“Ito ay simbolo ng aming taos-pusong pasasalamat at pagsaludo sa inyong di matatawarang sakripisyo at dedikasyon upang mapabuti ang inyong pamilya, komunidad at bansa,” ani Marcos.
Itinampok sa konsyerto ang talento ng mga lokal na artist mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa — kabilang sina Rap Cañedo mula Davao de Oro, Marielle Montellano mula Cebu, Chito Ricafrente mula Quezon, at Winchester Lopez mula La Union. Kasama rin ang KSP Band, Primedance Manila, at ang special guest na si Reuben Laurente, isang dating miyembro ng The Company at OFW rin.
Ayon kay Marcos, ang mga OFWs ay huwaran ng disiplina, katapangan, at malasakit, dahilan upang sila ay maging tunay na representasyon ng kagalingan ng lahing Pilipino sa buong mundo.
“Kayo ang patunay na ang mga Pilipino ay kayang makipagsabayan saan mang sulok ng mundo.”
Dumalo rin sa konsyerto ang mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry, at Department of Tourism — patunay sa pagtutok ng administrasyon sa kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Ipinagmalaki rin ng gobyerno ang mga inisyatibong inilunsad para sa kapakanan ng mga OFW, gaya ng pinalawak na Migrant Workers Offices abroad, libreng serbisyong pangkalusugan sa OFW Hospital sa Pampanga, at dedicated OFW lounges sa Ninoy Aquino International Airport.
“Makakaasa kayo na laging nandidito ang pamahalaan upang protektahan, alagaan at itaguyod ang kapakanan ninyo at ng mga pamilya ninyo,” dagdag pa ni Marcos.
Ang konsyertong ito ay bahagi ng serye ng mga tematikong pagtatanghal ng Malacañang na nagbibigay-pugay sa mga sektor na nagbibigay serbisyo sa bayan. Noong mga nakaraang taon, kinilala rin ang mga sundalo, guro, atleta, healthcare workers, at mga manggagawa sa industriya ng pelikula.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

