Sa isang gabi ng musika at pagkilala, ginanap ang ika-anim na Konsyerto sa Palasyo nitong Linggo sa Kalayaan Grounds ng Malacañang, bilang pasasalamat ng pamahalaan sa tinaguriang mga makabagong bayani ng bansa — ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa kanyang video mensahe, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga OFW na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at para sa kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
“Ito ay simbolo ng aming taos-pusong pasasalamat at pagsaludo sa inyong di matatawarang sakripisyo at dedikasyon upang mapabuti ang inyong pamilya, komunidad at bansa,” ani ng Pangulo.
May temang “Konsyerto sa Palasyo: Para sa Ating mga OFWs,” dinaluhan ang okasyon ng mga OFW at kanilang mga pamilya habang libo-libo pa ang tumutok mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng watch parties.
Inilarawan ni Marcos ang OFWs bilang buhay na patunay ng tapang, sipag, at kagandahang-asal ng mga Pilipino na kinikilala sa buong mundo. Aniya, dala ng mga OFW ang tatak ng galing ng Pilipino saan mang bansa sila naroroon.
“Kayo ang patunay na ang mga Pilipino ay kayang makipagsabayan sa kahit sinong lahi, saan mang dako ng mundo, dahil sa inyong disiplina, tapang at malasakit sa bayan.”
Nagpakitang-gilas din ang mga lokal na artist mula sa iba’t ibang rehiyon tulad nina Rap Cañedo (Davao de Oro), Marielle Montellano (Cebu), Chito Ricafrente (Quezon), at Winchester Lopez (La Union). Tumugtog din ang KSP Band at sumayaw ang Primedance Manila bilang alay sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Tampok din si Reuben Laurente, dating miyembro ng The Company at isang OFW, bilang espesyal na panauhing tagapagpalabas.
Dumalo rin sa programa ang mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry, at Department of Tourism bilang pagpapakita ng tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno sa mga OFW.
Ipinagmalaki rin ng administrasyong Marcos ang mga inisyatibang tumutugon sa pangangailangan ng mga manggagawa sa ibang bansa — tulad ng pinalawak na Migrant Workers Offices, libreng serbisyong medikal sa OFW Hospital sa Pampanga, at dedikadong lounges para sa OFWs sa NAIA.
“Makakaasa kayo na laging nandidito ang pamahalaan upang protektahan, alagaan at itaguyod ang kapakanan ninyo at ng inyong mga pamilya,” pahayag ni Marcos.
Ang konsyerto ay bahagi ng tradisyon ng Malacañang na mag-alay ng mga espesyal na pagtatanghal para sa iba’t ibang sektor. Sa mga nakalipas na taon, ginunita rin sa Konsyerto sa Palasyo ang kagitingan ng mga sundalo, atleta, guro, frontliners, at mga manggagawa sa industriya ng pelikula.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

