Muling nagbanta ang Bulkang Bulusan matapos itong magbuga ng abo sa loob ng 24 minutong phreatic eruption kaninang madaling araw, alas-4:36 ng umaga, Lunes. Dahil dito, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert status mula Level 0 (normal) patungong Alert Level 1 (low-level unrest).
Ayon sa Phivolcs, nakapagtala sila ng 4,500 metrong taas ng abo na nagmula sa bunganga ng bulkan at tinangay ito ng hangin patungong kanluran hanggang timog-kanlurang bahagi ng Sorsogon.
Iniulat ang pag-ulan ng abo sa mga barangay ng Cogon at Bolos sa bayan ng Irosin, at Puting Sapa, Guruyan, Buraburan, at Tulatula Sur sa bayan ng Juban.
Bukod dito, nakapagtala rin ng pyroclastic density current (PDC) — isang mapanganib na agos ng mainit na abo at bato — na bumaba sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan at umabot ng hanggang tatlong kilometro mula sa bunganga.
Ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, may narinig na malalakas na ugong 15 minuto bago ang pagsabog na naitala rin ng infrasound sensors ng Phivolcs.
“Bago ang pagsabog, 53 volcanic earthquakes ang naitala sa loob ng 24 oras,” ayon sa ulat ng Phivolcs sa kanilang 7:00 a.m. bulletin.
Dahil nasa Alert Level 1, posibleng magkaroon ng sunod-sunod na phreatic eruptions. Mariing pinapayuhan ang publiko na huwag pumasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ). Dapat ding maging alerto ang mga nasa loob ng dalawang kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi, dahil sa banta ng pagguho ng bato, ballistic projectiles, ashfall, at PDCs.
Babala ng Phivolcs, ang mga komunidad na maapektuhan ng ashfall ay kailangang gumamit ng face mask o basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng abo.
Dagdag pa rito, ang mga naninirahan sa paligid ng mga ilog at lambak sa timog-silangan, timog-kanluran, at hilagang-kanluran ay pinayuhang mag-ingat sa posibleng pagragasa ng lahar o putik na may halong abo, lalo na kung magkakaroon ng malakas at tuloy-tuloy na ulan.
Samantala, pinaalalahanan ng mga aviation authorities ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan, dahil ang abong mula sa biglaang pagsabog ay maaaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

