Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang kumakalat na ulat online na may kaugnayan sa 2025 pambansang budget, na tinawag nitong “fake news” at mapanirang propaganda mula sa kampo ng isang dating pangulo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na walang katotohanan ang mga alegasyon na pirmado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang budget na may mga blankong bahagi, na umano’y magpapahintulot ng “blank check” para sa mga susunod na alokasyon.

“Ang pagpapakalat ng ganitong klaseng fake news ay isang tahasang malisyosong gawain na dapat kondenahin bilang kriminal. Walang pahina ng 2025 National Budget ang hindi dumaan sa masusing pagsusuri bago ito nilagdaan ng pangulo,” ani Bersamin.

Ang nasabing budget na binubuo ng 4,057 na pahina sa dalawang tomo ay dumaan sa maingat na pagsusuri ng Kongreso at mga propesyunal mula sa Department of Budget and Management (DBM).

“Ang bawat linya sa budget ay maingat na sinuri ng mga dedikadong lingkod-bayan upang masigurado na walang pagkakaiba o kakulangan sa mga inilaang pondo,” dagdag niya.

Bagama’t hindi direktang pinangalanan ang dating pangulo, sa isang podcast na inilabas sa YouTube channel ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, sinabi nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab na may hindi bababa sa 13 pahina ng budget na may mga blankong alokasyon.

Mariing itinanggi ito ni Bersamin, at sinabing imposibleng magkaroon ng anumang bahagi ng budget na walang laman.

“Hinihikayat namin ang publiko na suriin ang opisyal na kopya ng budget na makikita sa website ng DBM. Ang mga tunay na datos at nakasulat na halaga sa General Appropriations Act (GAA) ang magpapatunay na walang malisyosong pagpapabaya o blankong bahagi,” ani Bersamin.

Hinimok din niya ang kampo ng dating pangulo na magpakita ng responsibilidad at itigil ang pagpapalaganap ng maling impormasyon.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *