Kauna-unahang 25-Taong Infrastructure Masterplan ng Pilipinas, Ihahanda ng DEPDev para sa Tiyak na Pagpapatuloy ng Proyekto

Kauna-unahang 25-Taong Infrastructure Masterplan ng Pilipinas, Ihahanda ng DEPDev para sa Tiyak na Pagpapatuloy ng Proyekto

Maghahanda na ang Department of Economic Planning and Development (DEPDev) ng kauna-unahang 25-taong infrastructure masterplan ng Pilipinas bilang hakbang upang matiyak na magpapatuloy ang mahahalagang proyekto ng imprastruktura sa kabila ng pagpapalit ng administrasyon.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, inatasan ng bagong batas na Economy, Planning and Development Act — na nagre-reorganisa sa NEDA bilang DEPDev — ang ahensya na bumuo ng pangmatagalang balangkas para sa imprastruktura mula 2025 hanggang 2050.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing batas noong Abril 10, at opisyal itong magkakabisa sa Abril 27.

“Ang batas ngayon ay nag-uutos sa amin na bumuo ng kauna-unahang long-term framework para sa mga proyektong imprastruktura sa bansa. Kami rin ang mangunguna sa pagbabalangkas ng komprehensibong plano para sa 25-taong period,” pahayag ni Balisacan sa isang panayam sa media.

Binanggit din ni Balisacan na ngayon lang sa kasaysayan ng Pilipinas may ahensiyang inatasan ng batas na tuwirang magpatuloy ng mga plano kahit magpalit ng liderato sa pamahalaan.

“Ang bagong batas ay nagbibigay ng malinaw na mandato sa DEPDev upang magsilbing tulay sa pagitan ng papalabas at papasok na administrasyon,” dagdag pa niya.

Solusyon sa Paulit-ulit na Pagsisimula at Pagtigil ng Proyekto

Ayon kay Balisacan, isa sa mga matagal nang problema ng bansa ang hindi tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga proyektong imprastruktura, na kadalasang nauudlot tuwing may bagong administrasyon.

“Kapag naaprubahan na ang masterplan ng Cabinet sa pamamagitan ng DEPDev, hindi ito basta-basta maitatabi ng sinumang Kalihim, tulad ng sa DPWH o DOTR, maliban na lang kung muling pag-uusapan at aaprubahan ito ng buong Gabinete kasama ang Pangulo,” paliwanag niya.

Sinabi rin ng kalihim na malaking tulong ang long-term masterplan para tumaas ang tiyansa ng pagsasakatuparan ng mga kritikal na imprastruktura sa bansa — ngayon ay mas may proteksyon na ito laban sa mga pagkaantala dahil sa pulitika.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *