Galvez, Nagpahayag ng Pasasalamat sa PNP sa Pagtiyak ng Kapayapaan at Seguridad sa Halalan sa BARMM
MANILA, PILIPINAS — Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. sa Philippine National Police (PNP) dahil sa mahalagang papel nito sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Mayo 12 midterm elections.
Ipinahayag ni Galvez ang kanyang pasasalamat sa pakikipagpulong kay Philippine National Police–Peace Process Development Center (PNP-PPDC) officer-in-charge Col. Francisco Ebreo nitong Miyerkules, ayon sa inilabas na pahayag ng OPAPRU nitong Huwebes.
“Una sa lahat, pinupuri natin ang PNP sa kanilang aktibong partisipasyon sa pagtiyak ng seguridad sa BARMM sa panahon ng midterm elections. Pakisabi rin ang aming pasasalamat kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil,” ani Galvez.
Binanggit din ni Galvez ang kahusayan ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan, lalo na sa mga lugar na itinuturing na delikado at may matinding tensyon sa politika.
Dagdag pa niya, pinuri rin ang ilang pulis na hindi nag-atubiling gampanan ang papel bilang mga Board of Election Inspectors (BEIs), isang tungkuling lagpas pa sa kanilang karaniwang responsibilidad.
Ibinahagi naman ni Ebreo na lubos ang pasasalamat ng mga taga-Mindanao sa presensya ng PNP sa halalan.
“Marami ang nagpahayag ng pasasalamat sa PNP dahil sa kanilang presensya sa Special Electoral Board (SEB), na naging dahilan ng mas ligtas at mapayapang halalan lalo na sa mga kritikal na lugar,” ani Ebreo.
Bago pa man ang halalan, nagsanay ang Commission on Elections (Comelec) ng higit 9,000 pulis at tauhan upang magsilbing SEBs. Sa bilang na ito, 3,698 ay naka-standby sa BARMM upang agad makatugon sakaling kailanganin.
Ginawa ito upang matiyak ang kaayusan sa mga lugar na may potensyal para sa karahasang may kaugnayan sa halalan.
Ibinahagi rin ni Ebreo na nagtungo si PNP Chief Marbil sa Cotabato upang personal na subaybayan ang operasyon ng PNP sa lungsod.
Ayon kay Galvez, ang aktibong pamumuno ni Marbil sa halalan ay naging susi sa agarang resolusyon ng mga insidente ng karahasan.
“Naniniwala akong ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin ang termino ni Chief Marbil hanggang matapos ang halalan ay isang tamang hakbang,” ani Galvez.
Bukod sa PNP, pinasalamatan din ni Galvez ang 6th Infantry Division ng Philippine Army sa ilalim ng Western Mindanao Command, at iba pang yunit ng AFP at mga ahensyang pangseguridad sa maayos na pagkontrol ng mga insidente ng karahasan sa halalan.
Idinagdag pa ni Galvez na ang mga aral na natutunan sa nakaraang halalan ay magiging mahalaga sa paghahanda ng PNP para sa unang Bangsamoro parliamentary elections sa darating na Oktubre.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts
Facebook
YouTube
X (Twitter)
TikTok
Instagram
Threads

