Kalihim ng Turismo na si Christina Frasco, Naghain ng Courtesy Resignation Kasunod ng Direktiba ni PBBM
MANILA, PILIPINAS — Sa gitna ng malawakang hakbangin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-rekalibrar ang kanyang Gabinete, naghain ng kanyang courtesy resignation si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco bilang pagsunod sa panawagan ng Pangulo.
Sa isang panayam ng One News nitong Huwebes, sinabi ni Frasco na naninindigan siya sa pamumuno ni Marcos at handang magsilbi basta’t kinakailangan ng Pangulo.
“Ang lahat sa Gabinete ay nagsisilbi sa kagustuhan ng Pangulo, at isang karangalan ang maglingkod sa ating bayan,” pahayag ni Frasco.
Dagdag pa niya, “Ako mismo ay handang magsumite ng courtesy resignation, dahil alam kong ang pagbabagong hatid natin sa sektor ng turismo ay nagbigay ng hanapbuhay sa milyun-milyong Pilipino, nag-ambag nang malaki sa ating ekonomiya, at nagbigay ng bagong mukha sa Pilipinas bilang isang destinasyong minamahal.”
Habang hinihintay pa ang pormal na abiso mula sa Tanggapan ng Pangulo, tiniyak ni Frasco na tuloy-tuloy pa rin ang trabaho sa DOT.
“Kami ay patuloy na nakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang masiguro na ang mga gawain ay nagpapatuloy. Iyon ang aming pangunahing layunin — ang gampanan ang aming tungkulin para sa bayan,” dagdag niya.
Sa isang hiwalay na pahayag, binigyang-diin din ni Frasco ang kanyang suporta sa layunin ng administrasyon ni Marcos na unahin ang kapakanan ng mamamayan.
“Kasabay ng pag-abot sa pangarap ng Pangulo, hinangad naming gawing higit pa sa simpleng paglalakbay ang turismo — ito ay dapat maging puwersa ng kabutihan, lumikha ng trabaho, magparangal sa ating kultura, at tumulong sa pag-unlad ng mga komunidad.”
Ipinagmalaki rin ni Frasco na sa ilalim ng administrasyong Marcos, naging mahalagang salik sa ekonomiya ng bansa ang sektor ng turismo at naging daan ito ng kabuhayan para sa milyun-milyong Pilipino.
“Habang hinihintay ko ang desisyon ng Pangulo, patuloy akong susuporta sa kanyang bisyon na mapabuti ang buhay ng mga umaasa sa turismo para sa kanilang ikinabubuhay,” pagtatapos niya.
Samantala, inihayag ng Malacañang na ang panawagan para sa courtesy resignation ay bahagi ng hangarin ng Pangulo na bigyang-luwag ang kanyang sarili sa pagsusuri ng pagganap ng bawat kalihim at tukuyin kung sino ang nararapat manatili upang makasabay sa bagong direksyon ng administrasyon.
Ayon kay Marcos, bagamat marami sa kanyang mga kalihim ay tapat at propesyonal, nangangailangan na ngayon ang bansa ng “panibagong pagtutok, mas mabilis na aksyon, at resulta agad ang isinasaisip.”
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts
Facebook
YouTube
X (Twitter)
TikTok
Instagram
Threads

