Nanindigan si Senate President Francis “Chiz” Escudero laban kay Senadora Imee Marcos, matapos nitong batikusin ang desisyon niyang harangin ang pag-aresto sa isang diplomat na umano’y nagsinungaling sa imbestigasyon kaugnay ng pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pahayag nitong Biyernes, hinimok ni Escudero si Marcos na huwag gamitin ang Senado bilang plataporma ng pansariling interes sa pulitika, lalo’t isa ito sa mga maugong na pangalan sa posibleng reelection sa 2025.
Ito ay kasunod ng pagbasura ni Escudero sa arrest at detention order na inisyu ni Marcos laban kay Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao. Ayon kay Escudero, kulang sa due process ang nasabing kautusan at hindi ito dumaan sa kanyang pag-apruba — isang rekisito sa ilalim ng patakaran ng Senado.
“Hindi ko pahihintulutang gamitin ang Senado o ang Tanggapan ng Senate President para sa mababaw at makasariling layunin sa pulitika,” giit ni Escudero.
Dagdag pa niya, hindi lamang procedural ang naging isyu, kundi pati humanitarian grounds — dumalo si Lacanilao sa burol ng kanyang lolo noong siya’y pinadakip.
Hindi naman pinalampas ni Marcos ang naging hakbang ni Escudero, at tinawag itong “mapanganib” at “nakakadismaya,” sabay banat na inaapakan umano nito ang kapangyarihan ng Senado.
“Tulad ng inaasahan, tumanggi si Senate President Chiz Escudero na pirmahan ang contempt order. Pati mga subpoena, tinanggihan rin niya noon,” ani Marcos.
Kinuwestiyon din ni Marcos kung bakit tila binabalewala ng isang abogadong tulad ni Escudero ang umano’y maling testimonya ni Lacanilao hinggil sa papel ng International Criminal Court (ICC) at Interpol sa isyu ng dating Pangulo.
Sa kanyang panig, nilinaw ni Escudero na hindi siya tumanggi sa contempt order dahil hindi pa raw siya nabibigyan ng kopya nito bago ito inilabas sa media. Aniya, mahalaga ang papel ng Senate President sa pag-apruba ng ganitong kautusan upang maiwasan ang pang-aabuso ng kapangyarihan.
“Walang iba kundi si Chief Justice Alexander G. Gesmundo na nagsabi na mas mahigpit na due process ang kailangang sundin kapag nag-cite ng contempt sa Kongreso,” giit ni Escudero.
Bilang tugon, naglabas si Escudero ng show cause order kay Lacanilao na may limang araw upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat ma-contempt. Pinal na desisyon ukol sa detensyon ay ipagpapaliban muna habang inaaral pa ang buong proseso.
“Tinitiyak ko sa taumbayan na ang aking desisyon ay batay sa batas at hindi para sa pansariling kapakinabangan. Hindi tama na balewalain ang mga patakaran ng Senado para lang sa interes ng iilang mambabatas,” pagtatapos ni Escudero.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

