Kerwin Espinosa Sugatan sa Pamamaril Habang Nangangampanya sa Leyte; Manhunt Inilunsad sa Salarin

Kerwin Espinosa Sugatan sa Pamamaril Habang Nangangampanya sa Leyte; Manhunt Inilunsad sa Salarin

Inilunsad na ng Albuera Municipal Police katuwang ang Special Weapons and Tactics (SWAT) ang malawakang manhunt operation para sa hindi pa nakikilalang salarin sa pamamaril kay Kerwin Espinosa, isang dating self-confessed drug lord na ngayo’y tumatakbo bilang alkalde ng Albuera, Leyte.

Sa pahayag ng Police Regional Office 8 (PRO-8) ngayong Biyernes, tiniyak ng mga awtoridad na ginagawa nila ang lahat upang matukoy ang motibo ng insidente at masigurong makakamit ang hustisya para sa mga biktima.

“Tinitiyak ng PRO-8 na puspusan ang ginagawang hakbang upang mapanatili ang katahimikan at seguridad lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Hinihikayat namin ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan,” ayon sa kanilang pahayag.

Inatake habang nangangampanya

Bandang 4:30 ng hapon nitong Huwebes, habang nasa isang gymnasium sa Barangay Tinag-an, bigla na lang binaril si Espinosa mula sa itaas ng entablado habang siya ay nakaupo at hinihintay ang kanyang turn magsalita.

Sugatan din sa pamamaril ang kapatid ni Kerwin na si Mariel Espinosa Marinay, na tumatakbo bilang bise alkalde, at isang batang babae. Kaagad silang isinugod sa ospital sa Ormoc City gamit ang pribadong sasakyan.

Sa isang video message, sinabi ni Espinosa na hindi siya uurong sa laban at itutuloy pa rin ang kanyang kandidatura upang ipagpatuloy umano ang mga nasimulan ng kanyang ama para sa bayan.

Kontrobersyal na nakaraan

Matatandaang nakalaya si Espinosa noong 2023 matapos ibasura ng Regional Trial Court ng Baybay City ang mga kasong may kaugnayan sa droga bunsod ng kawalan ng sapat na ebidensya.

Si Espinosa at ang kanyang ama, ang yumaong si Roland Espinosa na dating alkalde ng Albuera, ay inakusahan ng dating pangulong Rodrigo Duterte bilang bahagi ng operasyon ng iligal na droga matapos marekober ang mahigit PHP11 milyon na halaga ng shabu malapit sa kanilang bahay noong 2016.

Ang matandang Espinosa ay sumuko noon sa gitna ng mga paratang ngunit kalauna’y nabaril at napatay sa loob ng selda sa Baybay City habang nakakulong.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *