Inaasahan ang mas masiglang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga darating na taon, ayon sa Department of Finance (DOF) at International Monetary Fund (IMF).
Sinabi ni DOF Secretary Ralph Recto na posibleng lumampas sa 6% ang kabuuang paglago ng ekonomiya para sa taong 2024, batay sa inaasahang pagbilis ng performance noong ikaapat na quarter.
“Ito [growth ng ikaapat na quarter] ay tiyak na mas mabilis kaysa sa ikatlong quarter na nasa 5.2 porsyento. Kung aabot ito ng 6 porsyento, magiging masaya na ako diyan,” pahayag ni Recto sa isang briefing.
Ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa ikaapat na quarter at buong taon ng 2024 ay nakatakdang ilabas sa Enero 30.
Tuloy-tuloy na Paglago sa 2025 at 2026
Inaasahan ni Recto na lalago nang higit 6 porsyento ang ekonomiya sa 2025, na pangunahing itutulak ng matatag na domestic consumption at pagtaas ng investments.
Ayon sa World Economic Outlook ng IMF, nananatili ang projection ng paglago sa 6.1% para sa 2025 at 6.3% para sa 2026. Sinabi ng IMF na ang mas mababang presyo ng pagkain at unti-unting pagluluwag sa monetary policy ay magpapalakas sa consumption growth.
Dagdag pa ng IMF, inaasahan ding tataas ang investments dahil sa tuluy-tuloy na public investment push, pagbaba ng gastos sa pag-utang, at pagpapabilis ng implementasyon ng public-private partnership projects at foreign direct investments (FDIs), bunga ng mga bagong reporma sa batas.
Target na Inflation Rate
Sinabi rin ng IMF na ang headline inflation ay inaasahang mag-stabilize sa 2.8% sa 2025 at 3% sa 2026, nasa loob ng target range ng gobyerno na 2 hanggang 4%.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

