Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo na walang inilalabas na bagong security advisory ang pamahalaan ng Estados Unidos laban sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) o alinmang paliparan sa Pilipinas.
Ang pahayag ay kasunod ng kumalat na larawan sa social media na nagpapakita ng isang lumang travel advisory na umano’y naka-display sa Sacramento International Airport sa California, USA.
Ayon sa DOTr, ang nasabing advisory ay mula pa noong Disyembre 2018 at binawi na ng US Transportation Security Administration (TSA) noong Agosto 2019.
Dagdag pa ng ahensya, inalis na ng TSA ang maling advisory matapos makipag-ugnayan ang operator ng NAIA, ang New NAIA Infra Corporation (NNIC), sa mga opisyal ng TSA. Kumpirmado anila na wala nang kasalukuyang babala o advisory laban sa NAIA.
Ayon sa NNIC, ang lumang advisory ay aksidenteng naipaskil muli ng isang airline, dahilan upang magdulot ng kalituhan sa publiko.
Sinabi rin ng NNIC na bawat anim na buwan ay nagsasagawa ng security assessment ang TSA sa NAIA, at ang pinakahuling pagsusuri noong Pebrero 2025 ay nagpakita ng malaking pag-unlad. Ito rin umano ang unang pagkakataon mula 2019 na walang bagong issue na nakita sa paliparan.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

