Cavite City — Dalawang attack helicopter ng Philippine Air Force (PAF) ang opisyal na ibinalik sa aktibong serbisyo sa pamamagitan ng isang seremonya ng pagbabasbas na ginanap sa Maj. Danilo Atienza Air Base sa Sangley Point, Cavite ngayong Miyerkules.
Ang mga naibalik na sasakyang panghimpapawid ay kinabibilangan ng isang MD-520MG at isang AW-109AH. Ayon sa PAF, ito ay isang malaking hakbang sa pagpapatatag ng kakayahan ng kanilang operasyon, lalo na sa mga misyon ng close air support.
“Simula pa noong 1990, naging matatag na katuwang ng ating mga sundalo sa combat missions ang MD-520MG, habang ang AW-109AH na pumasok sa serbisyo noong 2015 ay nagbigay ng kakayahang magsagawa ng night strike operations,” ayon sa opisyal na pahayag ng PAF sa kanilang social media post.
Dagdag pa ng PAF, ang pagbabalik sa serbisyo ng mga helicopter na ito ay nagpapalakas sa kakayahan ng 15th Strike Wing na magsagawa ng mabilis at epektibong air support sa iba’t ibang operasyon sa buong bansa.
Dumalo sa nasabing seremonya sina Philippine Air Force Chief Lt. Gen. Arthur Cordura, Air Combat Command Chief Maj. Gen. Roman Dioso, at 15th Strike Wing Commander Brig. Gen. Gerold Gagan.
Sa kaniyang talumpati, hinikayat ni Cordura ang mga tauhan ng 15th Strike Wing na panatilihin ang dedikasyon at aktibong pagplano at pagsasagawa ng maintenance sa kanilang kagamitan. Aniya, ang ganitong pagsisikap ay hindi lamang para maabot ang inaasahang operational readiness kundi para masiguro rin ang kahandaan sa anumang oras.
“Ang tagumpay na ito ay patunay ng walang sawang commitment ng PAF sa pambansang depensa. Ang pagbabalik ng mga aircraft na ito ay bunga ng husay at sipag ng ating mga tauhan, at lalo pang pinatitibay ang kakayahan ng 15th Strike Wing na maghatid ng airpower anumang oras, saan mang panig ng bansa,” dagdag ng PAF.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads
