Hinikayat ng mga opisyal ng militar ang mga natitirang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Negros Island na isuko na ang kanilang armas matapos masawi ang pito sa kanilang hanay sa isang engkuwentro laban sa tropa ng pamahalaan nitong Linggo ng umaga, Abril 7, sa Kabankalan City.
Ayon kay Maj. Gen. Michael Samson, kumander ng 3rd Infantry Division (3ID) ng Philippine Army, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng determinasyong tapusin ang armadong labanan at panawagan para sa kapayapaan.
“Ang operasyong ito ay dapat magsilbing babala sa mga patuloy na sumusuporta o sumasali sa CPP-NPA. Walang tigil naming huhulihin at wawakasan ang pananakot ng mga armadong rebelde. Bukas pa rin ang pinto ng kapayapaan — sumuko na habang may pagkakataon,” pahayag ni Samson.
Ang palitan ng putok ay nagsimula bandang 5:30 a.m. hanggang 6:50 a.m. sa liblib na bahagi ng Barangay Tapi, Kabankalan, kung saan napatay sina Reniel Locsin Cellon, Mary Jane Maguilat, Jhon Isidor Supelanas, at isang kilala lamang sa alyas na “Pitong” mula sa Southwest Front ng NPA. Kasama rin sa mga napatay sina Jhunrey Mejares, Glendel Tinio Mejares, at Charity Amacan mula naman sa Southeast Front.
Ang dalawang rebeldeng front na ito ay una nang idineklarang dismantled ng militar.
Ayon sa ulat ng 3ID, nalaman ng mga sundalo mula sa 11th, 15th, at 47th Infantry Battalions ang presensya ng mga rebelde mula mismo sa mga residente ng lugar. Matapos ang sagupaan, nakumpiska ang anim na M16 rifles, isa rito ay may M203 grenade launcher, at isang KG9 submachine gun.
Pinasalamatan ni Brig. Gen. Joey Escanillas, kumander ng 302nd Infantry Brigade sa Tanjay City, Negros Oriental, ang mga tropa sa matagumpay na operasyon laban sa terorismo, na isinagawa nang walang nasawing tropa sa panig ng gobyerno.
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang depensa sa komunidad kundi patunay rin ng kahusayan at dedikasyon ng ating mga sundalo,” ani Escanillas.
Dagdag pa niya, malaki ang naging papel ng mamamayan sa tagumpay ng operasyon.
“Patuloy naming hinihikayat ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan upang tuluyang wakasan ang armadong pakikibaka sa mga kanayunan,” dagdag ng heneral.
Samantala, sa hiwalay na pahayag ni Lt. Gen. Fernando Reyeg, kumander ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi nitong mas lalo pang humina ang pwersa ng CPP-NPA sa rehiyon at unti-unti nang nakakamit ang kapayapaan at seguridad sa Visayas.
“Magpapatuloy ang aming kampanya upang tuldukan ang lokal na armadong labanan. Kaya naman nananawagan kami sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo na isuko na ang armas at magbalik-loob sa pamahalaan,” ani Reyeg.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

