Umabot na sa 20 katao ang naitalang nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng pinalakas na habagat at mga bagyong Ferdie at Gener, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules. Mas mataas ito ng 10 mula sa tala noong Martes.
Sa kabuuan, apektado ang 156,524 pamilya mula sa 1,178 barangay sa 12 rehiyon.
Ayon sa NDRRMC, sa mga naiulat na namatay, siyam ay mula sa Mimaropa; apat mula sa Region 6 (Western Visayas) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM); dalawa sa Region 9 (Zamboanga Peninsula), at isa mula sa Region 7 (Central Visayas). Ang mga bilang na ito ay patuloy pang bineberipika.
Kasama rin sa ulat ang 14 katao na naiulat na nawawala—12 mula sa Mimaropa, at tig-isa mula sa Regions 6 at 9.
Samantala, naitala ang 11 sugatan—anim sa BARMM, tatlo sa Mimaropa, at dalawa sa Region 12.
Sa mga apektadong pamilya, 16,926 o katumbas ng 62,995 indibidwal ang kasalukuyang nasa 618 evacuation centers, habang 8,592 pamilya o 34,265 katao ang nakakatanggap ng tulong sa labas ng mga evacuation centers.
Ayon sa Office of Civil Defense, kasama sa bilang ng mga apektado ang mga pamilyang nawalan ng tirahan pati na ang mga hindi na kinailangang lumikas ngunit naapektuhan ng kalamidad.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

