Inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na mayroon nang mga Mandarin-speaking agents sa Tourist Assistance Call Center upang mas epektibong tugunan ang pangangailangan ng mga Chinese tourists na bumibisita sa Pilipinas.
Ang serbisyong ito ay karagdagan sa mga dating wikang inaalok ng call center — Filipino, English, at Korean — mula nang ito’y inilunsad noong Oktubre 2023.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, patuloy na magiging aktibo at bukas ang linya ng call center (151-TOUR o 151-8687) kahit sa panahon ng Semana Santa upang suportahan ang inaasahang dagsa ng mga lokal at banyagang biyahero.
“Sa kasalukuyan, apat na wika na ang maaari nating paglingkuran sa call center. Bahagi ito ng layunin ng National Tourism Development Plan 2023–2028 na mas pagandahin pa ang kabuuang karanasan ng mga turista sa Pilipinas,” pahayag ni Frasco.
Serbisyong Abot-Kamay, Ayon sa Digital Vision ng Pangulo
Dagdag pa ng kalihim, ang call center ay alinsunod din sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng digital at makabago na serbisyong pampamahalaan na kayang tumugon sa mga pangangailangan ng publiko.
Sa inaasahang mahigit 30 milyong turista (lokal man o dayuhan) na dadayo sa iba’t ibang lugar sa bansa ngayong Semana Santa, siniguro ng DOT ang world-class support para sa lahat.
Serbisyo para sa mga Mandarins-Speaking Tourists
Ayon sa DOT, ang mga turistang nagsasalita ng Mandarin ay maaari nang tumawag tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m., Philippine Standard Time.
Maari rin silang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng:
-
Mobile: +63 954-253-3215
-
Facebook Messenger: Department of Tourism – Philippines
-
Website: beta.tourism.gov.ph (Click2Call at Live Webchat features)
Makakakuha rin ng impormasyon ukol sa DOT-accredited establishments, travel advisories, at real-time assistance para sa mga emergency o referral sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
14,000 Tawag Mula sa 72 Bansa
Mula nang ilunsad noong 2023, umabot na sa 14,000 tawag mula sa 72 bansa ang natanggap ng call center. Kinilala rin ito sa Asia Best of Best Awards 2024 sa Dubai, UAE, kung saan iginawad sa kanila ang Best in Service – Customer Support (Regional Level).
Sa pinakahuling datos ng DOT, ika-anim ang China sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming turista sa Pilipinas, na may naitalang 72,665 Chinese visitors sa unang tatlong buwan ng taon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

