Pasilidad para sa testing ng ani at export goods, layong suportahan ang food safety at mga magsasaka sa Visayas
CEBU CITY – Sa gitna ng mainit na araw at masiglang salu-salo, masayang ipinagdiwang ng mga opisyal at kawani ng Department of Agriculture ang pormal na pagbubukas ng bagong gusali ng Bureau of Plant Industry–Plant Product Safety Services Division Satellite Pesticide Analytical Laboratory (BPI–PPSSD SPAL) sa Arellano Blvd., Barangay San Roque, Cebu City noong Oktubre 16, 2025.
Ang makabagong pasilidad ay itinayo upang palakasin ang kapasidad ng rehiyon sa pagsusuri ng pesticide residue at iba pang contaminants sa mga produktong agrikultural. Layunin nitong tiyakin ang kaligtasan ng pagkain at palakasin ang tiwala sa mga ani ng mga magsasaka at exporters sa Visayas.
Pinangunahan ang inagurasyon ni DA Undersecretary for Operations and Agri-Fisheries Mechanization Engr. Roger V. Navarro, kasama sina BPI Director Dr. Gerald Glenn F. Panganiban, DA Assistant Secretary for Export Development Philip C. Young, DA Regional Field Office 7 Director Angel C. Enriquez, BPI-PPSSD Division Chief William F. Mugot, SPAL Cebu OIC Danie Mae Y. Caballero, at DPWH Cebu City DEO Engineer Manolo B. Madronio Jr.
Ayon sa Department of Agriculture, malaking tulong ang bagong laboratoryo para mapabilis ang testing at certification ng mga produktong agrikultura. Makikinabang dito ang maliliit na magsasaka, kooperatiba, at exporters, lalo na sa gitna ng lumalaking pangangailangan para sa ligtas at dekalidad na pagkain sa lokal at pandaigdigang merkado.
“Sa tulong ng pasilidad na ito, mas mapapalakas natin ang food safety at export competitiveness ng mga produkto mula sa Visayas,” pahayag ni BPI Director Dr. Panganiban. Aniya, makakabawas ito sa pangangailangang magpadala pa ng samples sa labas ng rehiyon, na dati ay nagdudulot ng pagkaantala sa release ng mga produkto.
Pinondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 7 ang proyekto bilang bahagi ng inter-agency support para sa agrikultura. Binati rin ni DPWH Engineer Madronio ang pagkumpleto ng gusali na aniya’y simbolo ng tunay na serbisyo publiko.
Ang bagong laboratoryo ay bahagi ng mas malawak na programa ng DA para sa “Para sa Masaganang Bagong Pilipinas”, na layong isulong ang modernisasyon at pag-unlad ng agrikultura sa bansa. Bukod sa Cebu, may mga nakatakdang itayong katulad na pasilidad sa iba’t ibang rehiyon.
Para sa mga magsasaka at exporters sa Visayas, ang pagbubukas ng SPAL Cebu ay dagdag na pag-asa at proteksyon. Sa harap ng hamon ng climate change, food security, at global trade standards, mahalaga ang pagkakaroon ng lokal na laboratoryo para sa mabilis, abot-kaya, at reliable na testing.
Pwersa Balita – Your Trusted Source in Agri News

