Habang naghahanda ang mga magsasaka sa anihan, panibagong banta ang dumating mula sa kalikasan. Sa ilalim ng madilim na ulap at malamig na simoy ng hangin, muling kumakaba ang puso ng mga nasa kanayunan.
Ngayong Oktubre 20, higit 846,000 ektarya ng palayan ang maaaring maapektuhan ng ulan dulot ng Bagyong Ramil, ayon sa pinakahuling update ng PAGASA. Huling namataan ang bagyo sa katubigan ng Mauban, Quezon (14.3°N, 121.8°E).
Inaasahang tatahakin ng bagyo ang timog at gitnang bahagi ng Luzon ngayong umaga, bago ito lumabas sa katubigan ng Pangasinan o Zambales sa hapon.
Malalakas na ulan sa mga lugar na may taniman ng palay
Nagbabala ang PAGASA na posible ang malakas hanggang matitinding buhos ng ulan sa mga sumusunod na lalawigan:
-
Camarines Norte, Romblon, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Quezon, Batangas, Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Aklan, at Antique.
Samantala, makakaranas naman ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang mga lugar na ito:
-
Hilaga at gitnang Luzon: Cagayan, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Isabela, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Apayao, Abra, Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga
-
Calabarzon at Metro Manila: Rizal, Laguna, Cavite, Metro Manila
-
Bicol at Western Visayas: Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Masbate, Iloilo, Capiz, at Palawan
Ang mga probinsyang ito ay kabilang sa mga pangunahing rice-producing areas ng bansa. Ayon sa datos mula sa Department of Agriculture, karamihan sa mga ektarya ng palay na nasa critical stage ay nasa Luzon.
Payo sa mga magsasaka: Maging alerto at mag-ingat
Hinimok ng mga lokal na pamahalaan at ng Department of Agriculture ang mga magsasaka na agad na i-secure ang kanilang ani, lalo na kung malapit nang anihin ang palay. Sa ilang lugar, nagpatupad na ng preemptive harvesting upang maiwasan ang pagkasira ng pananim.
Pinaalalahanan din ang publiko na bantayan ang mga weather bulletin ng PAGASA at makipag-ugnayan sa kani-kanilang Municipal Agriculture Offices para sa mga emergency updates.
Posibleng epekto sa suplay at presyo ng bigas
Kung magdudulot ng matinding pinsala si Bagyong Ramil, posible rin itong makaapekto sa suplay ng bigas sa mga susunod na linggo. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), halos 70% ng palay na inaani tuwing Oktubre hanggang Nobyembre ay galing sa Luzon.
Kaya naman mahalaga ang mabilis na aksyon mula sa pamahalaan upang maprotektahan hindi lamang ang kabuhayan ng mga magsasaka, kundi pati ang pagkain ng bawat pamilyang Pilipino.
Sa panahong ito ng pagbabago ng klima at pabago-bagong panahon, muling paalala ang bagyong ito na kailangang handa at sama-samang kumilos ang lahat—mula sa magsasaka hanggang sa mamimili.
Pwersa Balita – Your Trusted Source in Agri News

