Naglabas ng panibagong babala ang Korte Suprema nitong Miyerkules kaugnay ng mga pekeng kautusan, abiso, at dokumentong ginagamitan ng pangalan ng korte at iba pang tanggapan ng Hudikatura.
Ayon sa opisyal na pabatid ng SC, dumarami ang mga indibidwal na nagpapanggap bilang empleyado ng korte at ginagamit ito upang makapanlinlang.
“Tanging ang mga opisyal na channel lamang ng korte ang ginagamit para sa mga kautusan, abiso, at iba pang dokumentong may kinalaman sa hukuman,” paalala ng SC. “Maaaring beripikahin ang mga ito sa kani-kaniyang opisyal na website ng Supreme Court, Court of Appeals, Court of Tax Appeals, at Sandiganbayan.”
Sa isang panayam sa mga mamamahayag sa Korte Suprema Baguio Compound, inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo na maging siya ay ginamit na ng mga mapanlinlang na indibidwal para maglabas ng pekeng abiso.
“Ang pinakamainam na gawin ay makipag-ugnayan agad sa korte upang tiyakin kung totoo ang isang dokumento o anunsyo. Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagmatyag at huwag basta-basta magpapaniwala,” pahayag ni Gesmundo.
Hinimok din ng Korte Suprema ang publiko na agad i-report sa Judiciary Public Assistance Section sa email na chiefjusticehelpdesk@judiciary.gov.ph ang mga kahina-hinalang dokumento, komunikasyon, o tao upang ito ay masiyasat at maaksyunan nang maayos.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

