Amandayehan Port sa Basey, Samar, Ipinag-utos ni DOTr Sec. Dizon na Maging Operasyonal sa Loob ng 2 Linggo

Amandayehan Port sa Basey, Samar, Ipinag-utos ni DOTr Sec. Dizon na Maging Operasyonal sa Loob ng 2 Linggo

Basey, Samar — Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang mga opisyal ng Eastern Visayas na paandarin ang Amandayehan Port sa Basey, Samar sa loob lamang ng dalawang linggo. Ito’y bilang tugon sa lumalalang problema sa logistics bunsod ng load limit sa San Juanico Bridge, na siyang pangunahing daanan ng kalakal sa pagitan ng Leyte at Samar.

Ayon kay Dizon, ang utos ay direktang galing kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na hindi mapuputol ang daloy ng suplay sa pagitan ng dalawang probinsya.

“Isa itong matinding emergency, lalo na sa usapin ng paggalaw ng mga produkto, pagkain, gasolina, at mga materyales sa konstruksyon. Kailangan nating makahanap ng alternatibong ruta mula Samar papuntang Leyte at pabalik,” pahayag ni Dizon matapos ang inter-agency meeting.

Pamamahala ng Port, Ipinapasa na sa PPA

Upang masiguro ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng Amandayehan Port matapos pondohan ang inisyal na konstruksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hinihikayat ni Dizon ang pamahalaang panlalawigan ng Samar at LGU ng Basey na ipasa na ang pamamahala ng pantalan sa Philippine Ports Authority (PPA). Sa ganitong paraan, makakakilos agad ang PPA para pondohan ang rehabilitasyon at karagdagang imprastruktura.

Dumalo rin sa pagpupulong sa Tacloban Airport ang mga opisyal mula sa PPA, Maritime Industry Authority, Philippine Coast Guard, DPWH, LTFRB, Office of Civil Defense, LGUs ng Santa Rita at Tacloban City, Department of Economy, Planning and Development, at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Tacloban–Leyte chapter.

Pagtatapos ng Pantalan, Ikinasa na

Sinabi ni Dizon na dapat madaliin ang konstruksiyon ng Amandayehan Port upang maiwasan pa ang pagkaantala ng delivery ng mga produkto at makapagtayo ng mas mabilis at mas maikling ruta papuntang Tacloban mula sa Samar.

Nangako naman ang kontraktor na Aqualine Construction na tatapusin ang proyekto sa loob ng itinakdang 10 araw ng DOTr.

Sa isinagawang berthing trial at test float ng RoRo vessel na LCT Aldain Dowey ng Sta. Clara Shipping Corp. noong Mayo 22, napansin ng mga awtoridad na kailangang palakasin ang mga rampa ng pantalan upang mas madali ang paglo-load at pag-unload ng mga sasakyan lalo na kapag high tide.

Mas Maikling Biyahe, Mas Mura

Sa ngayon, umaabot lamang sa mas mababa sa 30 minuto ang biyahe mula Amandayehan Port patungong Tacloban. Ayon kay Samar Governor Sharee Ann Tan, ito na ang pinakamaikling at pinakamabisang ruta mula Samar patungong Leyte.

Sa kasalukuyan, dumaraan sa mga pantalan ng Maguino-o at Calbayog ang mga truck at cargo vehicles papuntang isang pribadong port sa Ormoc City. Umaabot ito ng 13 oras sa pamamagitan ng roll-on/roll-off vessel at may bayad na ₱15,000 hanggang mahigit ₱20,000 kada truck.

“Matagal nang apektado ang ekonomiya dahil dito, pero umaasa kaming pansamantala lamang ito. Nais naming maresolba agad ito sa tulong ng DPWH, PPA, at DOTr,” pahayag ni Gov. Tan. Dagdag pa niya, nagkukulang na rin ang suplay ng gasolina sa maraming bahagi ng Samar, na umaasa sa Babatngon, Leyte bilang pangunahing pinagkukunan ng fuel.

Samar, Nasa State of Emergency na

Dahil sa lalim ng epekto sa ekonomiya, nagdeklara na ng state of emergency ang lalawigan ng Samar upang mapabilis ang tugon ng pamahalaan, lalo na sa paggalaw ng mga produkto at serbisyo.

Nagpahayag din ng suporta si Eugene Tan, presidente ng PCCI Tacloban–Leyte chapter, sa pahayag ni Dizon. Ayon sa kanya, malaking bagay na may malinaw na deadline ang pagpapagana ng port.

“Ang bawat araw ng pagkaantala ay may katumbas na halos ₱2 bilyong economic loss, dahil sa pagkaantala ng 1,400 truck na dumaraan sa San Juanico araw-araw,” aniya.
“Hindi lang Region 8 ang apektado, kundi buong bansa dahil sa posibleng epekto nito sa inflation.”


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *