Amandayehan Port sa Samar, Ipinag-utos ni DOTr Sec. Dizon na Paandarin sa Loob ng 2 Linggo Bilang Tugon sa San Juanico Crisis

Amandayehan Port sa Samar, Ipinag-utos ni DOTr Sec. Dizon na Paandarin sa Loob ng 2 Linggo Bilang Tugon sa San Juanico Crisis

Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa mga opisyal ng Silangang Visayas na paandarin sa loob ng dalawang linggo ang Amandayehan Port sa Basey, Samar bilang agarang tugon sa problema sa logistics bunsod ng ipinatupad na load limit sa San Juanico Bridge.

Sa kanyang pagbisita sa mga pantalan ng Tacloban at Amandayehan nitong Linggo ng hapon, inihayag ni Dizon na ang utos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay tiyakin na hindi mapuputol ang daloy ng suplay sa pagitan ng Leyte at Samar kahit limitado ang galaw sa nasabing tulay.

“Isa itong matinding emergency lalo na sa usapin ng paggalaw ng pagkain, gasolina, materyales sa konstruksiyon at iba pang pangunahing pangangailangan. Kailangan nating makahanap ng alternatibong ruta mula Samar patungong Leyte at pabalik,” ani Dizon matapos ang isang inter-agency meeting.

Upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng Amandayehan Port matapos itong pondohan ng DPWH, hiniling ni Dizon sa pamahalaang panlalawigan ng Samar at lokal na pamahalaan ng Basey na ilipat ang pamamahala ng pantalan sa Philippine Ports Authority (PPA) upang mapondohan ito para sa rehabilitasyon at pagpapalakas ng operasyon.

Dumalo rin sa pagpupulong sa Tacloban Airport ang mga opisyal mula sa:

  • PPA

  • Maritime Industry Authority

  • Philippine Coast Guard

  • DPWH

  • LTFRB

  • Office of Civil Defense

  • Pamahalaang Panlalawigan ng Samar

  • LGUs ng Santa Rita at Tacloban

  • Department of Economy, Planning, and Development

  • Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Tacloban-Leyte chapter

Binigyang-diin ni Dizon na dapat mapabilis ang pagkumpleto ng trabaho sa Amandayehan port upang maiwasan ang karagdagang pagkaantala sa pagdadala ng mga produkto at magkaroon ng mas maikling rutang pantalan patungong Tacloban mula Samar.

Nangako naman ang kinatawan ng Aqualine Construction, ang contractor ng proyekto, na makakamit ang deadline na itinakda ng kalihim.

Sa isinagawang berthing trial at test float ng RoRo vessel na LCT Aldain Dowey mula Sta. Clara Shipping Corp. noong Mayo 22, nakita ng mga awtoridad na kailangang dagdagan pa ang lakas ng rampas para mas madaling makapasok at makalabas ang mga sasakyang de-gulong, lalo na tuwing high tide.

Ayon sa tala, wala pang 30 minuto ang biyahe mula Amandayehan port patungong Tacloban City.

Malugod namang tinanggap ni Samar Governor Sharee Ann Tan ang direktiba ni Dizon sa contractor, dahil ang Amandayehan Port ang pinakamaikli at pinakamabisang daan mula Samar patungong Leyte.

Sa kasalukuyan, gumagamit ng Maguino-o at Calbayog ports patungong Ormoc City ang mga truckers bilang alternatibong ruta. Subalit tumatagal ito ng 13 oras ng biyahe gamit ang RoRo vessel at may bayad na nasa pagitan ng ₱15,000 hanggang ₱20,000 kada truck.

“Malaki na ang epekto nito sa ekonomiya. Umaasa kaming pansamantala lang ito at agad na maresolba ng DPWH, PPA at DOTr,” ani Gov. Tan, at binanggit na may kakulangan na ng suplay ng gasolina sa ilang bahagi ng Samar.

Ang pangunahin at malaking bahagi ng suplay ng fuel ng Samar ay nagmumula pa sa Babatngon, Leyte, na malapit sa San Juanico Bridge.

Nagdeklara na ng state of emergency ang lalawigan ng Samar upang mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan, partikular sa usapin ng paggalaw ng mga produkto at suplay.

Ipinahayag din ni Eugene Tan, presidente ng PCCI Tacloban–Leyte, ang pagsuporta sa hakbang upang madaliin ang pag-aayos sa Amandayehan Port—isang panawagan ng business sector mula nang magsimula ang krisis.

“Ang 10 araw na taning na ibinigay ng kalihim ay sapat na—mas maganda ‘yun kaysa walang malinaw na petsa kung kailan ito magagamit,” ani Tan sa media.

Dagdag pa niya, umaabot sa halos ₱2 bilyon kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa pagkaantala ng produkto, base sa 1,400 trucks na dumadaan sa San Juanico Bridge araw-araw.

“Kung hindi agad ito maaaksyunan, posibleng magdulot ito ng inflation hindi lamang sa Region 8 kundi sa buong bansa,” babala pa ni Tan.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X / Twitter
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *