Patuloy na sinusuportahan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino, na nakatuon sa pagpapalakas ng edukasyon at paglago ng ekonomiya. Sa isang panayam sa radyo nitong Martes, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na bahagi ng mandato ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
“Lagi pong binabanggit ng Pangulo na ang social welfare ay pansamantalang solusyon lamang. Ang tunay na sagot sa kahirapan ay matatagpuan sa mga programang anti-poverty tulad ng libreng edukasyon at paglago ng ekonomiya, upang magkaroon ng trabaho ang mga tao at maiahon sila mula sa kahirapan,” ani Gatchalian bilang tugon sa puna na nagiging “ayuda nation” na ang Pilipinas.
Binigyang-diin din niya na bahagi ng tungkulin ng gobyerno ang pagtulong sa mga mahihirap, bulnerable, at nasa laylayan ng lipunan.
“Ang mga taong hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili—trabaho po ‘yan ng pamahalaan,” dagdag niya.
Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na ang pamamahagi ng ayuda ay kinakailangang dumaan sa masusing pagsusuri upang masiguro kung pasok ito sa pamantayan ng social welfare.
“Ang mahalaga ay mabigyan natin sila ng pangmatagalang solusyon sa kahirapan upang hindi na nila kailangang humingi ng tulong muli,” ani Gatchalian.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

