Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na nasa kustodiya na ng pamahalaan ang walong Pilipinong seafarers na nasagip mula sa barkong M/V Eternity C na lumubog sa Red Sea matapos umano itong atakihin ng drone na isinisi sa mga rebeldeng Houthi.
Ligtas na nakababa ang walo sa lungsod-dagat ng Jizan, Saudi Arabia, at kasalukuyang inaalagaan ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Migrant Workers’ Office–Jeddah, at ng kanilang shipping agency.
Ang mga nailigtas ay bahagi ng kabuuang 21 tripulanteng Pilipino ng barko. Ayon sa DFA, sasailalim muna sila sa kinakailangang medical assessment bago pauwiin sa Pilipinas.
Nagpaabot ng pasasalamat ang ahensya sa Kaharian ng Saudi Arabia sa pagbibigay ng visa sa mga Pilipino sa makataong kadahilanan.
Sa ngayon, apat ang pinaniniwalaang nasawi sa insidente habang anim ang naiulat na dinukot. Wala pang opisyal na kumpirmasyon ang DFA hinggil sa mga ulat na ito at sa pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na nananatili pa ring unaccounted ang iba pang miyembro ng tripulanteng Pilipino.
“Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs sa Department of Migrant Workers at ating mga Pasuguan at Konsulado sa Gitnang Silangan, lalung-lalo na sa Riyadh, Jeddah, Manama, Muscat, Yemen, at pati na rin sa London, upang mailigtas at matukoy ang kalagayan ng mga Pilipinong tripulante na nadamay sa pag-atake sa barkong M/V Eternity C,” ayon kay Lazaro.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

