Sa gitna ng isinasagawang reorganisasyon sa estruktura ng administratibong sangay ng Malacañang, pinawalang-bisa na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Office of the Presidential Adviser on Military and Police Affairs (OPAMPA).
Batay sa Executive Order (EO) No. 89 na nilagdaan noong Hulyo 11, tuluyang inalis ang OPAMPA bilang bahagi ng hakbang ng administrasyon na magpatupad ng streamlining at rightsizing sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Ayon sa EO, ang mga tungkulin at responsibilidad na dating hawak ng OPAMPA ay ililipat sa mga naaangkop na ahensya ng pamahalaan gaya ng Office of the Executive Secretary, Department of National Defense (DND), National Security Council (NSC), Philippine National Police (PNP), National Police Commission (NAPOLCOM), at iba pang may kaugnayang ahensya alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Ang lahat ng dokumento, kagamitan, pondo, opisina, at ari-ariang hawak ng OPAMPA ay ililipat sa Office of the Deputy Executive Secretary for Support Services and Auxiliaries.
Ang OPAMPA ay orihinal na itinatag noong 1998 upang magbigay ng tulong sa paggawa ng mga polisiya at desisyon kaugnay sa pambansang seguridad at mga usaping militar. Sa bisa ng EO No. 1 noong 2002, ito ay inilagay sa ilalim ng Office of the Special Assistant to the President.
Matatandaang noong Hunyo ngayong taon, tinanggap ni Pangulong Marcos ang pagbibitiw sa tungkulin ni Roman Felix bilang Presidential Adviser on Military and Police Affairs—isang hakbang na tila bahagi ng mas malawak na reporma sa administrasyon.
Agad nang ipatutupad ang EO 89 matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

