Ipinahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes na mararanasan ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa bunsod ng umiiral na southwest monsoon o habagat.

Ayon sa ahensya, makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at mga thunderstorm ang mga sumusunod na lugar: Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, Occidental Mindoro, Romblon, Palawan, at Southern Leyte.

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibilidad ng flash floods at landslide sa mga nabanggit na lugar dulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na buhos ng ulan.

Samantala, ang natitirang bahagi ng bansa ay posibleng makaranas ng mga isolated rain showers o thunderstorm dala pa rin ng habagat.

Inaasahan naman ang katamtamang lakas ng hangin at medyo maalon na karagatan sa extreme Northern Luzon. Sa iba pang bahagi ng bansa, asahan ang banayad hanggang katamtamang hangin at kaunting pag-alon sa dagat.

Sa kabilang dako, patuloy ding minomonitor ng PAGASA ang isang bagyong nasa layong 1,925 kilometro sa silangan hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon, na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mula alas-3 ng madaling-araw.

Ayon kay PAGASA forecaster Obet Badrina, hindi inaasahang papasok sa PAR ang naturang low pressure area (LPA).


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *