21 Opisyal ng Pamahalaan Nailigtas sa Gitna ng Gulo sa Israel at Iran — Philippine Embassy sa Jordan

21 Opisyal ng Pamahalaan Nailigtas sa Gitna ng Gulo sa Israel at Iran — Philippine Embassy sa Jordan

Sa kabila ng patuloy na tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, matagumpay na naitawid ng Embahada ng Pilipinas sa Hashemite Kingdom of Jordan ang 21 stranded na opisyal ng pamahalaan pabalik ng ligtas na teritoryo.

Pinangunahan ni Ambassador Wilfredo Santos ang pagpapasok sa mga opisyal sa King Hussein Border, kung saan agad silang nabigyan ng transit visa. Ang hakbang na ito ay resulta ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv at Amman, ayon sa pahayag ng embahada nitong Miyerkules.

Ang Embahada sa Tel Aviv ang unang tumugon sa sitwasyon, nakipag-ugnayan sa counterpart nito sa Jordan at gumawa ng mga kinakailangang representasyon sa pamahalaan ng Israel. Samantala, ang embahada sa Amman ay tumugon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Ministry of Foreign Affairs and Expatriates ng Jordan at sa Jordanian Border Security upang makuha ang clearance ng mga opisyal na Pilipino.

Kasama ni Ambassador Santos sa operasyon sina Second Secretary and Consul Angeli Payumo, Third Secretary and Vice Consul Sheila Marie Andales, administrative officer John Danilo Jiao Jr., at Assistance-To-Nationals (ATN) head Charisse Malabanan.

Ayon sa embahada, inaasahan ding darating sa mga susunod na araw ang unang batch ng mga Pilipinong manggagawa na lumikas mula sa Israel patungong Jordan. Sila ay agad na pauuwiin sa Pilipinas alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Para sa mga Pilipino sa West Bank na nangangailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa ATN hotlines ng embahada:
📞 +962 77 907 7778,
📞 +962 77 907 7775,
📞 +962 77 798 8818,
📞 +962 77 721 9000,
📞 +962 6 590 1730

Samantala, bumisita naman si Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola-Rau sa Bat Yam City nitong Miyerkules kasama si Israeli Foreign Minister Gideon Sa’ar, kung saan nasalanta ang ilang Pilipino dahil sa paglaglag ng mga misil mula sa Iran.

Ayon sa ulat ng Anadolu Agency, nasa 1,000 drones na ang pinakawalan ng Iran mula nang sumiklab ang kaguluhan noong Hunyo 13. Ngunit ayon sa Israeli Channel 12, hindi bababa sa 200 lamang dito ang aktuwal na tumama sa Israel.

Samantala, iniulat ng The Times of Israel na ang unang dalawang flight mula Larnaca, Cyprus na sakay ang mga Israeli citizens ay lumapag na sa Ben Gurion Airport. Tinatayang 2,800 katao ang inaasahang makauuwi sa Israel.

Tinataya ring nasa 100,000 hanggang 150,000 Israelis ang na-stranded dahil sa pagsasara ng Israeli airspace dulot ng kaguluhan sa himpapawid.

“Layunin naming mailigtas ang mas maraming tao hangga’t maaari, ngunit higit naming pinapahalagahan ang kanilang kaligtasan,” pahayag ni Sharon Kedmi, CEO ng Israel Airports Authority, sa panayam ng Army Radio.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔗 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *