Muling nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na kandidato sa nakaraang halalan noong Mayo 12 na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), alinsunod sa batas.
Ayon sa pahayag ng DILG nitong Martes, ang pagsusumite ng SOCE ay nakasaad sa Seksyon 14 ng Republic Act 7166 at Comelec Resolution 10730, na nagsasaad na ang lahat ng kandidato—panalo man o talo—ay kailangang magsumite ng kanilang ulat ukol sa natanggap at ginastos sa kampanya.
Ang itinakdang deadline para sa pagsusumite ng SOCE ay noong Hunyo 11.
Binigyang-diin ng DILG na hindi maaaring manungkulan o pormal na maupo sa puwesto ang sinumang halal na opisyal kung hindi sila nakapaghain ng SOCE ayon sa itinakdang regulasyon.
Dagdag pa ng ahensya, hindi magbibigay ng pagkilala sa panunumpa o pag-upo sa posisyon ang DILG sa sinumang opisyal na hindi nakasunod sa requirement ng Comelec. Inatasan na rin ang mga regional at field offices na makipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) upang beripikahin kung ang mga opisyal ay nagsumite ng SOCE bago sila kilalanin bilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa batas, ang hindi pagsusumite ng SOCE ay may kaakibat na administrative fines, at ang paulit-ulit na paglabag ay maaaring magresulta sa mas mabigat na parusa kabilang ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Paliwanag ng DILG, mahalaga ang SOCE upang maisulong ang transparency at accountability sa paggamit ng campaign funds at sa buong proseso ng halalan. Ito rin ay bahagi ng post-election compliance na nagpapalalim ng tiwala ng publiko sa mga halal na opisyal at sa integridad ng eleksyon.
“Ang kumpletong pagsunod sa requirement ng SOCE ay mahalagang kondisyon bago pormal na maupo sa posisyon sa gobyerno,” giit ng ahensya.
Inatasan din ng DILG ang mga local government units at transition teams na tiyaking nasunod ang lahat ng legal na rekisito, kabilang na ang pagsusumite ng SOCE, bago isagawa ang anumang turnover o seremonya ng panunumpa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
❌ https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

