Pinuri ng University of the Philippines (UP) ang kanilang mga siyentipiko matapos manguna laban sa iba pang mga unibersidad sa Pilipinas sa AD Scientific Index 2025, isang pandaigdigang ranggo na sumusukat sa mga ambag ng mga indibidwal na siyentipiko sa larangan ng agham.
Ayon kay UP President Angelo Jimenez, “Ang pagkilala sa UP bilang may pinakamataas na konsentrasyon ng mga cited scientist ay nagpapakita ng halaga ng kanilang mga gawa. Hindi lamang nito pinapalakas ang reputasyon ng UP kundi nagpapalakas din ng ating kakayahan na tugunan ang mga hamon ng bansa.” Nagpahayag rin siya ng kanyang pagbati sa mga siyentipiko ng UP sa pamumuno nila sa AD Scientific Index ngayong taon.
Sa hanay ng mga unibersidad sa Pilipinas, nanguna ang UP sa kabuuang 286 na pampubliko at pribadong unibersidad, pumuwesto ito sa ika-366 sa Asya mula sa 10,057 na unibersidad, at ika-1,347 sa buong mundo mula sa 18,584 na unibersidad. Kasama rin sa mga top-performing Philippine institutions ang International Rice Research Institute, De La Salle University, UP Diliman, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, Silliman University, UP Los Baños, UP Manila, at University of San Agustin.
Ipinangako ni Jimenez ang mas mataas na suporta sa pagsasaliksik at pag-unlad upang mas matugunan ang mga kumplikadong isyung pambansa. “Patuloy na mag-iinvest ang UP sa mga pangangailangan ng pagsasaliksik upang patuloy na magtagumpay ang ating mga siyentipiko sa kanilang makabuluhang gawain,” aniya.
Samantala, hinikayat naman ni dating UP President at dating DTI Secretary Alfredo Pascual ang globalisasyon ng mga pagsasaliksik sa agham para sa mas mataas na antas ng inobasyon sa bansa. “Mahalaga ang ganitong mga hakbang upang makapaghatid ng mga makabagong teknolohiya sa industriya, lalo na ang Artificial Intelligence, na tumutulong sa atin sa mas mataas na antas ng pananaliksik at inobasyon,” aniya.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

