Naghain ng emergency appeal sa Korte Suprema ng Estados Unidos nitong Lunes ang TikTok upang hadlangan ang batas na posibleng magdulot ng pagbabawal sa kanilang serbisyo sa buong bansa simula Enero 19, 2025.
Ang apela ng TikTok ay kasunod ng desisyon ng isang federal appeals court na nagpapatibay sa batas na nag-uutos sa parent company nito, ang ByteDance, na ibenta ang kanilang pagmamay-ari dahil sa mga “pangangamba sa pambansang seguridad.”
Ayon sa TikTok, nilalabag ng naturang batas ang First Amendment rights ng kanilang 170 milyong US users. Hiniling ng kumpanya sa Korte Suprema na pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng batas habang nire-review pa ang kanilang kaso.
Kapansin-pansin din ang timing ng isyu dahil papalapit na ang pag-upo ni US President-elect Donald Trump sa Enero 20. Lumabas sa mga ulat na nagkaroon ng pulong si Trump at ang TikTok CEO na si Shou Zi Chew sa Mar-a-Lago club nitong Lunes.
Sa isang press briefing kasama si SoftBank CEO Masayoshi Son, sinabi ni Trump:
“We’ll take a look at TikTok. I have a warm spot in my heart for TikTok because I won youth by 34 points. And there are those that say that TikTok has something to do with that.”
Ang Protecting Americans From Foreign Adversary Controlled Applications Act, na ipinasa noong Abril, ay naglalayong protektahan ang bansa mula sa posibleng “espiya o propaganda” ng gobyernong Tsino gamit ang TikTok.
Kapag tinanggihan ng Korte Suprema ang apela ng TikTok at hindi maibenta ng ByteDance ang kanilang pagmamay-ari, maaaring maalis ang TikTok sa mga app store at tuluyang ipasara sa Estados Unidos.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
