Pormal na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang Bagong Pilipinas One-Stop OFW AKSYON Center ng Department of Migrant Workers (DMW) bilang simbolo ng pangako ng pamahalaan na magbigay ng mabilis at episyenteng serbisyo para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Matatagpuan sa DMW Makati Building sa Malugay Street, Barangay Bel-Air, Makati City, layunin ng sentrong ito na pag-isahin ang mga pangunahing serbisyo para sa OFWs at kanilang pamilya upang mabawasan ang mabigat na proseso ng burukrasya.
Ayon kay Pangulong Marcos, saklaw ng bagong pasilidad ang bawat yugto ng paglalakbay ng mga manggagawa—mula sa pag-alis, pagtatrabaho sa ibang bansa, hanggang sa kanilang pagbabalik at muling pagsasama sa komunidad.
Mga Serbisyo ng Bagong Pilipinas One-Stop OFW AKSYON Center:
- Balik-Manggagawa Processing
- Reintegration Support
- Legal Assistance
- Tulong sa pamamagitan ng DMW AKSYON Fund
- Mga serbisyo mula sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng:
- Social Security System (SSS)
- PAGIBIG Fund
- PhilHealth
- TESDA
- Kagawaran ng Agrikultura, Kalusugan, Paggawa, Turismo, Agham at Teknolohiya, at Kagalingang Panlipunan.
Espesyal na Tampok
Isa sa mga tampok ng sentro ang Migrant’s Brew, isang kapehan na nagbibigay ng libreng kape at meryenda para sa mga OFWs at kanilang pamilya na bumibisita.
“Isa itong simbolo ng isang mas mabilis, maayos at pinagsama-samang serbisyo para sa ating mga OFWs,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Layunin nitong gawing mas madali ang proseso, mula sa reintegrasyon, legal na tulong, hanggang sa counseling at iba pang serbisyo na kailangan nila.”
Sa pamamagitan ng isang usufruct agreement, ginamit ng DMW ang dating gusali ng Landbank upang palawakin ang kanilang operasyon. Malaking tulong ito upang makapagbigay ng mas episyenteng serbisyo sa lumalaking bilang ng mga OFWs, lalo na sa timog bahagi ng Metro Manila.
Sa kanyang pagtatapos, muling tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na magsasagawa ng mga programa ang kanyang administrasyon upang suportahan ang mga OFWs saan man sila naroroon sa mundo.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

