Nilagdaan ng mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd) ang isang kasunduan nitong Biyernes upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng “Tara, Basa!” tutoring program hanggang 2028.
Sa isang seremonya sa tanggapan ng DepEd sa Pasig City, sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Education Secretary Juan Edgardo Angara ang nanguna sa lagdaan ng memorandum of agreement (MOA).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ang kasunduang ito ay simbolo ng patuloy na dedikasyon ng DSWD at DepEd sa pagbibigay ng suporta sa edukasyon ng kabataan, lalo na sa mga hirap magbasa o hindi pa marunong magbasa.
Dagdag ni Dumlao, ang MOA ay magtitiyak sa maayos na pagpapatupad ng programa sa susunod na apat na taon.
EO 76: Suporta para sa “Tara, Basa!”
Noong Nobyembre 22, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order (EO) 76 na nagdedeklara sa “Tara, Basa!” bilang pangunahing programa ng pambansang pamahalaan.
Ang EO na ito ay magtitiyak ng suporta mula sa mga ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs), at pribadong sektor para sa pagtutulungan sa edukasyon ng mga estudyante sa elementarya.
Programang Nakatuon sa Pagtuturo
Ang unang kasunduan ng DSWD at DepEd para sa “Tara, Basa!” ay nilagdaan noong Agosto 2023. Nagsimula ang programa sa National Capital Region (NCR) at lumawak noong 2024 sa mga rehiyon ng Central Luzon (Region 3), Central Visayas (Region 7), Eastern Visayas (Region 8), Northern Mindanao (Region 10), Soccsksargen (Region 12), at Calabarzon (Region 4-A).
Ang tutoring program ay isang repormadong educational assistance na layuning lumikha ng “learning ecosystem.” Ang mga estudyanteng kolehiyo ay sinasanay bilang tutors para turuan ang mga mahihirap o hirap magbasa na mga elementarya. Kasama rin dito ang mga “nanay-tatay” learning sessions na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga magulang.
Ngayong taon, umabot sa 120,359 na benepisyaryo ang natulungan ng programa, kabilang ang mga college students, struggling at non-reader elementary learners, at kanilang mga magulang.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

