Senior Citizens, May Bagong Pagkakataon sa Turismo sa Ilalim ng DOT at NCSC Partnership

Senior Citizens, May Bagong Pagkakataon sa Turismo sa Ilalim ng DOT at NCSC Partnership

May magandang balita para sa ating mga nakatatanda! Ilulunsad ng Department of Tourism (DOT) katuwang ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang isang programa na magbibigay ng libreng training at job opportunities sa mga kwalipikadong senior citizens sa sektor ng turismo.

Nilagdaan nitong Miyerkules sa Makati City ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DOT at NCSC upang opisyal na simulan ang partnership na magbubukas ng pinto para sa mga senior citizens na nais maging bahagi ng industriya ng turismo.

Ayon kay DOT Secretary Christina Frasco, inatasan na nila ang mga regional offices ng kagawaran upang isama ang mga senior citizens sa mga pagsasanay para sa tourism stakeholders.
“Ang kailangan lang nilang gawin ay lumapit sa aming regional offices o sa NCSC, at tiyak na maisasama sila sa aming training modules,” pahayag ni Frasco.

Sinabi naman ni NCSC Officer-in-Charge Chairperson Mary Jean Loreche na kasalukuyan silang nagsasagawa ng “needs assessment” upang maiakma ang mga pagsasanay ayon sa kakayahan at pangangailangan ng mga benepisyaryo.

Kapag pormal nang nailunsad ang programa, tanging mga physically at mentally fit na senior citizens ang kailangang kwalipikado upang makasama.
“May kanya-kanyang tourism destination ang bawat rehiyon. Kung gusto nilang mag-tour guide, o sa cultural sites, o sa mga resort at hotel bilang staff — puwedeng-puwede. Marami silang pwedeng pasukan,” ani Loreche.

Bukod sa training, layunin ng MOU na matulungan ang DOT sa paggawa ng mga patakarang sensitibo sa pangangailangan ng mga senior citizen na bumibiyahe.
Bahagi rin nito ang pagbuo ng imprastruktura at mga produkto sa turismo na tumutugon sa kaginhawaan at kasiyahan ng sektor na ito.

“Magiging bahagi ng bawat tourism program ang mga oportunidad para sa ating mga lolo at lola — hindi lang diskuwento, kundi mas malawak pang karanasan sa iba’t ibang produkto ng turismo,” dagdag ni Frasco.

Dagdag pa niya, ang kasunduan ay pagsasapinal ng patuloy na ugnayan ng DOT at NCSC upang matiyak na hindi panandalian lang ang programa kundi pangmatagalan.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *