Nagbigay ng kabuuang ₱1.47 bilyong dividendo ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pamahalaan, ayon sa Department of Finance (DOF) nitong Martes.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang halaga ay na-remit noong Hulyo 14 at makatutulong upang pondohan ang mga pampublikong programa nang hindi na kinakailangang magtaas ng buwis.
Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang disiplina sa pananalapi ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), at tiyaking napapakinabangan ang mga non-tax revenues para sa mahahalagang proyekto ng pamahalaan.
“Ang mga dividend ay espesyal, at palagi kong sinasabi na ito ang paborito kong uri ng kita. Dahil sa pamamagitan nito, nakalikom tayo ng pondo para sa mga programa ng gobyerno nang hindi natin pinapatawan ng dagdag na buwis ang ating mga kababayan,” ayon kay Recto sa seremonyal na turnover ng tseke mula sa SBMA.
“Hindi ito sakripisyo, kundi bunga ng sama-samang tagumpay. Kinita natin ito sa pamamagitan ng mas mahusay na serbisyo publiko—mas matapat, mas mahusay, mas episyente.”
Batay sa Dividend Law, obligadong mag-remit ang mga GOCC ng hindi bababa sa 50% ng kanilang net earnings ng nakaraang taon bilang dividendo sa pambansang pamahalaan. Ngunit hinihimok ngayon ng DOF na itaas ito sa 75% upang mas mapakinabangan ang non-tax revenues.
Ang SBMA ang pangunahing ahensiyang nangangasiwa sa pagpapaunlad at pamamahala ng Subic Bay Freeport Zone (SBFZ) bilang isang self-sustaining industrial, commercial, financial, and investment hub na nagbibigay ng trabaho at umaakit ng mga mamumuhunan.
Binigyang-diin ni SBMA Chairperson at Administrator Eduardo Jose Aliño ang kanilang paninindigang tumulong sa mga inisyatiba ng bansa:
“Ang SBMA ay muling nagpapatibay ng aming dedikasyon sa pagsuporta at epektibong pag-ambag sa mga inisyatiba ng nation-building, mga pampublikong serbisyo, at pagpapaunlad ng imprastruktura.”
Aniya pa, “Ang ating kolektibong layunin ay manatiling matatag: ang magtayo ng matibay na ekonomiya para sa lahat ng Pilipino, na sumusuporta sa paglago ng industriya, komunidad, at ng susunod na henerasyon.”
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

