Tiniyak ni Leyte 1st District Representative at House Speaker-in-waiting Ferdinand Martin Romualdez nitong Martes ang buong suporta ng Mababang Kapulungan sa Walang Gutom Program (WGP) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang ang sapat na pondong ilalaan sa panukalang pambansang budget para sa 2026.
Ayon kay Romualdez, hindi simpleng proyekto ang WGP kundi isang malalim na pangako para sa bawat pamilyang Pilipinong naghihirap makapaglagay ng pagkain sa hapag.
“Hindi ito basta proyekto lang ng ating Pangulong Bongbong Marcos. Ang layunin niyang magkaroon ng Pilipinas na walang nagugutom ay isang pangakong may dignidad, habag, at tunay na pagbabago,” aniya.
Ang pahayag ni Romualdez ay kasunod ng anunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palalawakin ang saklaw ng WGP mula sa 300,000 hanggang sa 750,000 food-poor households sa susunod na taon.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga benepisyaryo ng ₱3,000 buwanang food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) card na maaaring gamitin sa piling mga tindahan para sa piling produktong pagkain. Kailangan ding dumalo ang mga benepisyaryo sa buwanang seminar ukol sa wastong nutrisyon at produktibong pamumuhay.
Pinasalamatan ni Romualdez si Pangulong Marcos sa pagbibigay ng prayoridad sa paglaban sa gutom bilang bahagi ng “Bagong Pilipinas” na adhikain.
“Makikita mo ang puso ng ating Pangulo sa programang ito. Ang laban sa gutom ay hindi lamang polisiya kundi personal niyang misyon. Walang pamilyang Pilipino ang dapat maiwan sa laylayan ng lipunan,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Romualdez ang mahalagang koordinasyon ng DSWD at Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng Benteng Bigas, Meron Na! — isang programang nagbibigay ng bigas na ₱20 kada kilo sa mga piling Kadiwa store at partner retailers, lalo na sa mga benepisyaryo ng WGP at iba pang kabilang sa vulnerable sectors.
Giit pa ni Romualdez, ang pagpapalawak sa Walang Gutom ay nangangahulugang hindi lang ayuda kundi kabuuang suporta mula sa produksyon ng mga magsasaka, edukasyong pang-nutrisyon, at hanapbuhay para sa mga pamilya.
“Kung gusto nating wakasan ang gutom, kailangang suportado ang magsasaka sa produksyon, ang mamimili sa abot-kayang presyo, at ang bawat pamilya sa kaalaman at kabuhayan. Hindi sapat ang ayuda — kailangan ito’y tulay tungo sa kaunlaran,” ani Romualdez.
Nanawagan siya sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) upang matiyak ang sapat na pondo para sa DSWD at DA sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng programa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

