Inanunsyo ng Sugar Regulatory Administration (SRA) nitong Lunes na tumaas ng halos limang porsyento ang inaasahang produksyon ng asukal para sa crop year 2024–2025 kumpara sa naunang pagtataya, sa kabila ng epekto ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.
Mula sa paunang estimate na 1.782 milyong metriko tonelada (MT), maaaring umabot sa 1.837 milyong MT ang kabuuang ani ng asukal.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, kasalukuyang nasa 1.815 milyong tonelada na ang nalilikhang asukal. Bagama’t bumaba ang ani ng asukal kada toneladang tubo, nadagdagan naman ang dami ng tubong naitanim kada ektarya, dahilan kaya’t mas mataas ang kabuuang produksyon.
“Ang unang estimate ay ibinase sa lagay ng mga tanim na tubo matapos ang matinding epekto ng El Niño. Pero sa kabila nito, matatapos natin ang taon sa positibong resulta,” ani Azcona.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang mga hakbang ng administrasyon simula pa noong 2022 upang mapanatili ang matatag na presyo ng asukal sa merkado. Dahil dito, naging handa ang mga magsasaka na muling magtanim gamit ang mga bagong barayti ng tubo mula sa SRA, kahit pa nawasak ang naunang tanim dahil sa El Niño.
“Ang makatarungang presyo sa farm gate ay nagbigay lakas ng loob sa mga magsasaka na muling magsimula. Sa katunayan, pati mga bagong magsasaka ay naengganyong sumubok sa pagtatanim ng tubo,” dagdag pa ni Azcona.
Batay sa datos ng SRA, ang Visayas ang may pinakamalaking ambag sa kabuuang produksyon na umaabot sa 71%. Mula rito, 63% ay galing sa Negros Island, 6.3% mula sa Panay, at ang natitira ay mula sa Cebu at Leyte.
Samantala, ang Mindanao, na itinuturing na susunod na sentro ng industriya ng asukal, ay inaasahang magtatapos sa crop year na may halos 24% na ambag sa kabuuang produksyon. Ang Luzon naman ay may halos 5% na ambag.
“Inaasahan naming sa susunod na milling season ay mas tataas pa ang ani, lalo na ang dami ng asukal kada toneladang tubo o LkgTC,” ayon pa kay Azcona.
Sa kasalukuyan, Mindanao ang may pinakamataas na average na LkgTC sa 1.74; sinusundan ng Negros Island na may 1.65; habang nasa 1.54 naman ang Panay at Luzon.
Ipinagmalaki rin ni Azcona na ang pagbibigay-priyoridad ng SRA sa pananaliksik ay nagsisimula nang mamunga. Ilan sa mga inisyatibo ng ahensya ay ang pagpapaunlad at pagpaparami ng bagong barayti ng tubo, pagsasaayos ng kalidad ng lupa, pagpapabuti ng sistema ng patubig, at pagbabago ng cropping calendar upang mas umayon sa pabago-bagong klima.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts
🔗 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔗 www.youtube.com/@pwersabalita
🔗 https://x.com/PwersaBalita
🔗 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
🔗 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🔗 https://www.threads.net/@pwersabalita

