Nagsanib-puwersa ang Philippine National Volunteers Service Coordinating Agency (PNVSCA) at US Peace Corps upang palakasin ang kultura ng volunteerism sa bansa. Sa kanilang pagtutulungan, mahigit 50 peace volunteers ang inihanda sa Cebu City.
Ayon kay PNVSCA Executive Director Donald James Gawe, ang inisyatibong ito ay isa sa maraming proyekto kasama ang Estados Unidos at mga pangunahing stakeholders sa Pilipinas tulad ng mga ahensya ng gobyerno, institusyong pang-akademiko, at mga organisasyong sibil. Layunin nitong magpatupad ng mas pinag-isa at mas maayos na programa ng volunteerism para sa pagpapatibay ng bansa.
Sinabi rin ni Elizabeth Jung, isang espesyalista mula sa US Peace Corps Host Country Volunteerism Program, na nagbahagi sila ng mga modelo ng volunteerism, national service, at service-learning mula sa US sa kanilang workshop sa Cebu City noong nakaraang linggo. Layon nitong maging inspirasyon sa pagpapalaganap ng espiritu ng bayanihan sa Pilipinas.
“Ang US Peace Corps ay proud na suportahan ang workshop na ito katuwang ang PNVSCA. Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga kasamahan mula sa iba’t ibang sektor at probinsya na nakiisa para pag-usapan ang kinabukasan ng volunteerism sa Pilipinas,” ani Jung. Inaasahan din ng US Peace Corps na ang enerhiya at pagkakaisa na kanilang nasaksihan ay magpatuloy kahit pagbalik ng mga kalahok sa kanilang mga komunidad.
Ang Philippine Volunteer Service Program, na pinangungunahan ng PNVSCA, ay isang pambansang inisyatiba na itinataguyod ang volunteerism bilang estratehiya para sa kaunlaran at pagtatayo ng bansa. Samantala, ang US Peace Corps ay pangunahing volunteer organization ng US na sumusuporta sa mga komunidad sa Pilipinas nang higit sa 60 taon. Mahigit 9,300 na Amerikanong volunteers na ang naglingkod bilang mga guro, youth development facilitators, environmental experts, at iba pang mga posisyon na hinihiling ng mga host communities.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

