Bilang pangunahing tagapagtaguyod at may pananaw sa likod ng pagkakapili sa Pilipinas bilang Guest of Honour sa Frankfurter Buchmesse 2025, pinangunahan ni Senadora Loren Legarda ang pagbisita ng mga kinatawan mula sa midyang Aleman para sa isang linggong cultural immersion o paglubog sa kultura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang nasabing pagbisita ay bahagi ng opisyal na pagtupad ng Pilipinas sa kanyang tungkulin bilang Guest of Honour sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong book fair sa buong mundo.
Layunin ng programa na mapalalim ang ugnayan ng Pilipinas sa pandaigdigang midya at maipamalas ang lawak ng panitikan, kasaysayan, at malikhaing sining ng mga Pilipino.
“Ang ating panitikan ay sumisibol mula sa tagisan ng katutubong karunungan, mga pamana ng kolonyalismo, kagila-gilalas na kalikasan, at pandaigdigang diskurso,” pahayag ni Legarda nitong Lunes.
“Ang Frankfurter Buchmesse ay nagbibigay ng isang malaking entablado para sa ating mga manunulat, ilustrador, tagasalin, at tagapaglathala upang makita, marinig, at maunawaan ng mundo.”
Personal na naranasan ng German delegation ang maalab na pagtanggap at kagandahang-loob ng mga Pilipino—mula sa makukulay na selebrasyon ng Pahiyas Festival sa Lucban, hanggang sa mga makasaysayan at kultural na karanasan sa Bulacan, Baguio, La Union, Iloilo, Antique, at Boracay.
Bukod pa rito, binisita rin nila ang iba’t ibang eksibit at sentrong kultural gaya ng Hibla ng Lahing Filipino textile gallery, mga community weaving centers, at mga sentro ng pagpoproseso ng bulak na naitatag sa pamamagitan ng pangmatagalang inisyatiba ni Legarda sa kulturang Pilipino.
“Matagal nang tinatanggap ng Alemanya ang panitikan ng Pilipinas nang may bukas na puso,” dagdag ng senadora.
“Noong 1887, sa Berlin inilathala ni Dr. Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, ang kanyang obra maestrang Noli Me Tangere—isang aklat na nagsindi ng apoy ng unang rebolusyong kontra-kolonyal sa Timog-Silangang Asya.”
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Pilipinong manunulat, tagapaglathala, katutubong artisan, at manggagawang pangkultura, nasaksihan ng delegasyon mula sa Alemanya ang masigla, matibay, at sari-saring anyo ng pambansang pagkakakilanlan ng Pilipinas.
Gaganapin ang Frankfurter Buchmesse mula Oktubre 15 hanggang 19, 2025 sa Frankfurt, Germany. Sa ilalim ng temang Guest of Honour, nagbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa pagpapalawak ng merkado, pagbebenta ng karapatang-paglathala at retail, pagsasalin ng mga akda, at adaptasyon sa iba’t ibang media platforms.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

