Sa isang makapangyarihang hakbang upang ipakita ang soberenya ng bansa, isinagawa ng Pilipinas ang isang Inter-Agency Maritime Operation (IAMO) nitong Linggo ng umaga sa mga isla ng Pag-asa Cays 1, 2, at 3, pati na rin ang karatig nitong karagatan.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), ang operasyon ay isang sabayang pagkilos na kinabibilangan ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police-Maritime Group. Layunin nitong patatagin ang regular at lehitimong pagpapatupad ng awtoridad ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Naglabas ng pahayag ang NTF-WPS nitong Linggo ng gabi, kasunod ng panibagong pag-angkin ng Tsina sa isa sa mga naturang cays. Sa ulat, apat na composite teams na lulan ng rubber boats ang ipinadala sa lugar. Nakalapag sina Team One at Team Two sa Cay-1, si Team Three sa Cay-2, at si Team Four sa Cay-3.
Habang isinasagawa ang operasyon, naobserbahan ng mga tropa ang ilegal na presensya ng China Coast Guard 5102, na tinatayang nasa 1,000 yarda silangan ng Cay-2. Bukod dito, nakita rin ang pitong Chinese Maritime Militia vessels sa paligid ng Cay-2 at Cay-3.
Giit ng NTF-WPS, ang operasyon ay nagpapakita ng hindi matinag na paninindigan ng pamahalaan sa pagtatanggol sa ating soberenya, karapatang-soberanya, at hurisdiksyon sa West Philippine Sea.
“Ang ganitong klaseng regular na operasyon ng iba’t ibang ahensya ay patunay ng paninindigan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa ating karagatang sakop, alinsunod sa batas pandaigdig, upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon,” dagdag pa ng NTF-WPS.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook
YouTube
X (Twitter)
TikTok
Instagram
Threads

