Patuloy na nagdadala ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o “habagat” sa Luzon at Visayas, na nagdulot ng pag-apaw ng La Mesa Dam, ayon sa ulat ng PAGASA ngayong Miyerkules.

Bandang alas-5 ng umaga, umabot na sa 80.16 metro ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam, lagpas sa spilling level na 80.15 metro. Dahil dito, inaasahang maaapektuhan ang mga mabababang lugar sa kahabaan ng Tullahan River, kabilang ang mga bahagi ng Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome. Apektado rin ang mga barangay Ligon, North Expressway, at La Huerta Subdivision sa Valenzuela, pati na rin ang ilang bahagi ng Malabon.

Nanawagan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga residente ng mga nabanggit na lugar na maging alerto sa posibleng patuloy na pagtaas ng tubig sa Tullahan River.

Inaasahan din ng PAGASA ang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan, at Antique dahil sa “habagat.”

Ang “habagat” ay magdudulot din ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa La Union, Pangasinan, Benguet, Bicol Region, at iba pang bahagi ng Visayas, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.

Samantala, ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng pulu-pulong pag-ulan dulot ng localized thunderstorms. Patuloy pa rin ang banayad hanggang katamtamang hangin at kaunting hanggang katamtamang alon sa buong kapuluan, ayon sa PAGASA.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts: Facebook, YouTube, X, TikTok, Instagram, Threads.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *