Patuloy na mararanasan ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon dulot ng shear line, easterlies, at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Biyernes.
Sa 5:00 a.m. weather bulletin ng PAGASA, sinabi nito na magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat-pagkulog ang Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora dahil sa shear line.
Ang Ilocos Region at natitirang bahagi ng Cordillera at Cagayan Valley ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot din ng shear line.
Sa Batanes, asahan ang maulap na kalangitan na may pag-ulan dahil sa northeast monsoon o amihan. Sa Palawan naman, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan dulot ng easterlies.
“We are expecting amihan to strengthen and affect a huge part of Northern Luzon until the next two days,” pahayag ni Aldczar Aurelio ng PAGASA.
Nagbigay babala si Aurelio sa publiko na mag-ingat sa posibleng pagbaha o landslide na dulot ng malalakas na pag-ulan.
Wala namang namo-monitor na low-pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), dagdag ni Aurelio.
Samantala, dahil sa localized thunderstorms, ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.
Asahan ang katamtaman hanggang maalon na karagatan sa Northern Luzon dahil sa katamtamang lakas ng hangin mula sa hilagang-silangan. Sa ibang bahagi ng bansa, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin na may bahagya hanggang katamtamang alon, ayon sa PAGASA.
Ang temperatura ngayong araw ay maglalaro sa pagitan ng 24.3°C hanggang 30.8°C.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

