Binigyang-diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na ang open governance o bukas na pamahalaan ay hindi lamang isang adbokasiya, kundi isa sa mga matitibay na haligi ng isinusulong na “Bagong Pilipinas.”
Sa pagbubukas ng Open Government Week 2025 nitong Lunes sa Luxent Hotel, hinimok ni Pangandaman ang mga tagapagtaguyod ng bukas na pamahalaan na magkaisa sa layunin ng mas transparent, responsable, at makataong pamumuno.
“Narito tayo upang ipaglaban ang mga prinsipyong demokratiko — ang kalayaan sa pagpapahayag, pakikilahok ng mamamayan, at pagkakapantay-pantay,” ani Pangandaman.
Dagdag pa niya, “Ang open government ay hindi lamang isang kampanya. Isa itong kilusan. Isa itong pundasyon ng Bagong Pilipinas — isang bansang lumalago dahil sa tapat na pamamahala, pananagutan, at aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan.”
Bilang tagapangulo ng Philippine Open Government Partnership (PH-OGP), tiniyak din ni Pangandaman ang pagtutulak na maisabatas ang Freedom of Information (FOI) bill. Ayon sa kanya, nagsagawa ang DBM ng serye ng mga roundtable discussions kasama ang pamahalaan, civil society organizations (CSOs), akademya, at pribadong sektor upang isulong ang FOI sa Ika-20 Kongreso.
“Sa suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naniniwala akong malapit na nating makamit ang sariling batas para sa kalayaan sa impormasyon,” sabi ni Pangandaman.
Katuwang ng DBM ang Presidential Communications Office sa pagsasaayos ng mga pangunahing probisyon ng panukalang FOI law, na ilalatag sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Mayo 26.
Binigyang-pansin din ni Pangandaman ang tagumpay ng Pilipinas sa pag-host ng East Asia and the Pacific International Public Procurement Conference noong Abril. Bukod pa rito, ang bansa rin umano ang may pinakamaraming lahok mula sa Asia-Pacific para sa Open Gov Challenge — isang patunay ng lumalawak na suporta sa bukas at makabagong pamahalaan.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaan, katuwang ang civil society, kasunod ng pagpapatibay sa PH-OGP sa pamamagitan ng Executive Order No. 31 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Hunyo 2023.
Ayon kay Swati Mehta, OGP Regional Lead para sa Asia and the Pacific, mahalagang hakbang ang institutionalization ng PH-OGP upang masigurong mananatili ang pagiging bukas, makatao, at may pananagutan ang gobyerno.
Samantala, binigyang-diin naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pangangailangan ng mga “bayani” sa lokal na pamahalaan.
“Ang taumbayan ay naghahanap ng pag-asa, ng liderato, ng magandang kinabukasan. Ito ang panawagan sa atin — ito ang kahulugan ng bukas at tapat na pamahalaan,” ani Remulla.
Ang Open Government Week, na magtatagal hanggang Mayo 23, ay binubuo ng iba’t ibang aktibidad tulad ng forum, workshop, youth-led initiatives, at dayalogo. Layon nitong isulong ang transparency, accountability, pakikilahok ng mamamayan, at inobasyon sa pamamahala.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

