Nanawagan si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mga mananampalatayang Katoliko na magkaisa sa panalangin para sa kapayapaan sa Gitnang Silangan, kasunod ng patuloy na tensyon at kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa isang mensahe sa Radio Veritas, ipinahayag ng obispo ang kanyang pag-aalala sa lumalalang sitwasyon sa rehiyon na nagdudulot ng matinding pagdurusa, lalo na sa mga inosenteng sibilyan at mga bata.
“Buong kababaang-loob kong hinihiling sa lahat ng mananampalataya sa Diyosesis ng Tagbilaran na ialay ang kanilang pang-araw-araw na panalangin at personal na sakripisyo para sa kapayapaan sa Gitnang Silangan, lalo na upang matigil na ang alitan sa pagitan ng Israel at Iran,” pahayag ni Bishop Uy.
Binanggit din ng obispo na winawasak ng giyera ang mga pamilya, paaralan, at mga lugar ng pananampalataya — mga lugar na dapat sana’y pinangangalagaan at pinupuno ng pag-asa at pananalig.
“Hindi lamang sa Gitnang Silangan nararamdaman ang epekto ng giyera. Umaabot ito sa iba’t ibang panig ng mundo, at nagbibigay ng panganib sa kapayapaan at seguridad ng maraming bansa,” dagdag pa ng obispo.
Ayon kay Bishop Uy, nananatiling makapangyarihang sandata ang panalangin sa gitna ng kaguluhan. Aniya, tungkulin ng bawat Kristiyano na maging daluyan ng kapayapaan sa lipunan.
“Inaanyayahan ko ang bawat pamilya, parokya, at relihiyosong komunidad sa ating diyosesis na isama sa kanilang araw-araw na intensyon ang panalangin para sa kapayapaan. Nawa’y ang ating mga Rosaryo, Banal na Misa, at mga personal na alay ay maging mabangong handog sa Diyos upang humingi ng awa at kagalingan para sa ating daigdig,” panawagan ni Uy.
Nag-ugat ang tensyon noong nakaraang Biyernes matapos ang seryeng airstrike ng Israel sa iba’t ibang bahagi ng Iran, kabilang ang mga pasilidad militar at nukleyar. Bilang ganti, naglunsad din ng missile attacks ang Iran.
Ayon sa Israeli authorities, hindi bababa sa 24 katao ang nasawi at daan-daan ang nasugatan dahil sa mga pag-atake ng Iran. Samantala, iniulat naman ng Iran na 224 katao ang nasawi at higit 1,000 ang sugatan sa mga pambobomba ng Israel.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔗 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

