Magsisimula ngayong Lunes ang tuluyang pagtigil ng mga nakaiskedyul na brownout sa mga lungsod at bayan na nasasakupan ng Negros Electric and Power Corporation (Negros Power), kasunod ng kanilang matagumpay na rehabilitasyon at preventive maintenance sa dalawang pangunahing substations nitong nagdaang weekend.
Ayon sa pahayag ng kompanya, layunin ng hakbang na ito na masiguro ang tuloy-tuloy at maayos na suplay ng kuryente para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.
Sinusuplayan ng Negros Power ang mga lugar ng Bacolod, Bago, Talisay, at Silay City, gayundin ang mga bayan ng Murcia at Don Salvador Benedicto.
Noong Sabado, isinagawa ang malawakang maintenance sa Murcia Substation kung saan mahigit 800 insulators ang ikinabit at inayos ang ilang mga lumang linya ng kuryente. Sa Reclamation Substation naman noong Linggo, 400 insulators ang in-install at pinalitan ang ilang sira at lumang kagamitan.
Ayon kay Oscar Duca, assistant manager ng Negros Power area office, “Napakahalaga ng maintenance na ito upang maiwasan ang hindi inaasahang aberya sa suplay ng kuryente — lalo na sa mga panahong kritikal tulad ng eleksyon. Gusto naming makasiguro na makakaboto ang publiko nang walang agam-agam na mapuputol ang kuryente.”
Noong Abril 7, nilagdaan ng Negros Power at ng Commission on Elections (Comelec) ang isang Memorandum of Agreement bilang pagtugon sa pangangailangang teknikal at operasyonal para sa halalan. Nakapaloob dito ang mga probisyon para sa maagang maintenance, standby personnel, at iba pang paghahanda para sa maaasahang serbisyo ng kuryente bago, habang isinasagawa, at pagkatapos ng botohan.
Sa ilalim ng kanilang Election Power Readiness Plan, tiniyak ng Negros Power ang buong suporta nito sa Comelec upang maging ligtas at maayos ang halalan sa rehiyon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

