Inanunsyo ng Malacañang na pananagutin sa batas ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang sangkot sa pagpuslit ng bigas sa bansa.
Sa panayam ng dzBB nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na isinasagawa na ang imbestigasyon hinggil sa posibleng pagkakasangkot ng ilang opisyal ng gobyerno sa ilegal na pag-aangkat ng bigas.
Ito ay kasunod ng pagsisiwalat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa unang episode ng kaniyang “BBM Podcast” na in-upload sa kaniyang opisyal na Facebook page nitong Lunes, kung saan binunyag niyang may ilang opisyal ng gobyerno ang nasa likod ng rice smuggling at kumikita mula rito.
“Marami pong paiimbestigahan ang Pangulo. ‘Yan po ang kanyang pangako. Kapag may nababalitaan siyang anomalya, agad pong iniimbestigahan,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, kailangan munang mapatunayan ang mga paratang bago tuluyang masampahan ng kaso ang mga sangkot.
“Hindi po ito palalampasin ng Pangulo. Dapat talagang makasuhan ang dapat managot,” aniya.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na wala siyang impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga sinasabing opisyal ng pamahalaan na sangkot sa isyu.
Tiniyak niya sa publiko na seryoso si Pangulong Marcos sa pagsugpo sa katiwalian at iligal na kalakaran sa sektor ng agrikultura.
“Ang sinabi ng Pangulo, ito ay mula sa gobyerno pero hindi niya binanggit kung mula sa ehekutibong sangay. Maraming sangay ang pamahalaan,” paliwanag ni Castro.
“Kung mula ito sa ehekutibo, malamang ay natanggal na sila sa puwesto. Ang sabi nga niya, kapag napatunayan na may anomalya, agad silang tinatanggal.”
Bukod dito, sinabi rin ni Castro na isinusulong ng Pangulo ang pagbabalik ng regulatory powers ng National Food Authority (NFA) dahil nananatiling laganap ang rice smuggling simula nang matanggal sa NFA ang karapatang mag-angkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Ipinagmalaki rin ni Marcos ang tagumpay ng programang ₱20 kada kilong bigas, na aniya’y bunga ng mga reporma at mataas na produksyon ng palay sa mga nagdaang taon.
Ayon kay Castro, inaasahang magpapatuloy ang programa hanggang Disyembre 2025 dahil sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

