Pormal na isinama ng Philippine Navy (PN) sa kanilang aktibong serbisyo ang dalawang makabagong sasakyang pandigma bilang bahagi ng ika-127 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang hukbo. Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang commissioning rites na ginanap sa Naval Operating Base Subic nitong Martes.
Ang mga bagong barko na isinama sa puwersa ay ang modernong frigate na BRP Miguel Malvar (FFG-06) at ang kauna-unahang locally assembled na missile-capable patrol vessel, ang BRP Albert Majini (PG-909).
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Navy na ang naturang aktibidad ay malaking hakbang tungo sa kanilang patuloy na modernisasyon sa ilalim ng temang “Philippine Navy: Tumutugon sa mga Hamon, Nagpapalakas ng Rehiyonal na Katatagan, at Pinatitibay ang Seguridad sa Karagatan.”
Ang BRP Miguel Malvar, ipinangalan sa huling Pilipinong heneral na sumuko noong Digmaang Pilipino-Amerikano, ay dumating mula sa South Korea noong Abril 4. Ang barko ay may habang 118 metro at kayang magsagawa ng iba’t ibang combat missions gaya ng anti-ship, anti-submarine, at anti-aircraft operations. Taglay rin nito ang advanced na electronic warfare systems at sensors.
Kabilang sa armas nito ang 76mm Oto Melara main gun, C-Star surface-to-surface missiles, at Blue Shark anti-submarine torpedoes. Ang kontratang nagkakahalaga ng ₱28 bilyon para sa dalawang guided-missile corvettes ay nilagdaan ng Department of National Defense at HD Hyundai Heavy Industries ng South Korea noong Disyembre 28, 2021.
Inaabangan na rin ang pagdating ng kapatid nitong barko na prospective BRP Diego Silang (FFG-07) sa darating na Hunyo o Hulyo. Ang dalawang bagong frigate na ito ay magsisilbing karagdagang pwersa sa BRP Jose Rizal (FF-150) at BRP Antonio Luna (FF-151).
Samantala, ang BRP Albert Majini (PG-909) ay ikawalong Acero-class Fast Attack Interdiction Craft-Missile (FAIC-M) at itinuturing na unang missile-capable patrol vessel na binuo sa bansa. Pinangalan ito kay Ensign Albert Majini, Medal of Valor awardee na nagpakita ng kabayanihan sa Basilan noong dekada 1980 laban sa mga pirata.
Itinalaga ito sa Littoral Combat Force ng Philippine Navy at may kakayahang magsagawa ng mabilisang coastal interdiction operations.
Ayon sa pamunuan ng Philippine Navy, ang pagsasama ng dalawang bagong barko ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagtugon sa mga hamong pandagat at pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas sa pambansang depensa at rehiyonal na seguridad.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

