Isang malaking hakbang para sa disaster preparedness ang pagkakapasa ng Ligtas Pinoy Centers Act na layong bawasan ang paggamit ng mga pampublikong paaralan bilang pansamantalang evacuation centers tuwing may kalamidad, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

“Makasisiguro ito na mananatiling bukas at magagamit ang mga paaralan sa kanilang pangunahing layunin, kahit sa panahon ng krisis,” pahayag ng ahensya nitong weekend.

Noong Disyembre 6, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act. Ang batas na ito ay naglalayong magtayo ng permanenteng evacuation centers na kayang tumagal sa bagyong may hangin na aabot sa 300 km/h at lindol na may lakas na magnitude 8.0.

Mga Tampok ng Ligtas Pinoy Centers

  • May mga sleeping areas, health care stations, sanitation facilities, at lugar para sa mga alagang hayop.
  • Uunahing itayo sa mga lugar na mataas ang panganib sa kalamidad.
  • Magkakaroon ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Ayon sa OCD Administrator na si Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang pagkakaroon ng matitibay na evacuation centers ay isang mahalagang tagumpay hindi lamang sa lehislatibo kundi pati sa layuning protektahan ang mga pinaka-bulnerableng sektor ng lipunan.

“Ang inyong dedikasyon sa pagtatayo ng matitibay na evacuation centers ay titiyak na ang ating mga mamamayan ay may ligtas na masisilungan sa panahon ng krisis, na magbibigay-daan para maibangon nila ang kanilang buhay nang may dignidad at suporta,” dagdag ni Nepomuceno.

Ang paglagda sa batas ay kasabay ng pagbangon ng bansa mula sa mga serye ng bagyong tumama noong Oktubre hanggang Nobyembre ngayong taon.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *