Sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Miyerkules na inaasahan ng Senado na maipasa ang panukalang pambansang budget para sa 2025 bago mag-adjourn ang Kongreso sa Disyembre 20, at agad itong dadalhin sa Malacañang para pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Inaasahan namin na maaprubahan ang budget sa pinakahuli, ikalawang linggo ng Disyembre, at sa pinakamaaga, unang linggo ng Disyembre,” pahayag ni Escudero sa isang press briefing.
Ayon kay Escudero, tiniyak na sa kanya ni Senate Committee on Finance Chairperson Senadora Grace Poe at ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office na nasa tamang takbo ang mga deliberasyon sa komite upang matapos ang lahat ng mga pag-uusap ngayong buwan, kahit nasa recess pa ang Kongreso.
Samantala, nangako rin ang House of Representatives na kanilang isusumite ang bersyon nila ng 2025 General Appropriations Bill sa Oktubre 25.
“Kung tunay nga na ma-submit nila ng October 25, naka-schedule kami na i-file ang committee report pag-resume namin ng November 4. At inaasahan namin na by November 6, sa pinakahuli, at kung swertehin, November 5 pa lang, maiisponsoran na ang panukalang 2025 budget,” ani Escudero.
Dagdag pa niya, posibleng simulan na ang interpellations sa mga pangunahing prinsipyo ng budget sa Nobyembre 5 o 6, at magpapatuloy ang plenary debates sa mga susunod na linggo.
Kumpyansa si Escudero na matatapos ang mga plenary debates, na sisimulan sa umaga at maaaring tumagal hanggang madaling araw, sa loob ng dalawang linggo.
Pagkatapos maaprubahan ng Senado ang panukalang budget para sa 2025, ito’y daraan sa pagsusuri ng bicameral conference, na inaasahan ding tatagal ng humigit-kumulang dalawang linggo.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

